Mga Royalistas, handa na ba kayo para sa finale night ng hit murder mystery series na Royal Blood?
Mula simula hanggang sa pagtatapos, puno ng emosyon at kaabang-abang na mga pasabog ang dala ng pinakamalaking suspenserye sa primetime.
Kaya naman huwag palampasin ang natitira pang mga eksena na sasagot sa katanungang sino nga ba ang kasabwat ni Margaret sa pagpatay kay Gustavo?
Ano na ang susunod na mangyayari sa Royales siblings? Makakaligtas kaya si Diana? Sino ang mamumuno sa Royales Motors? At makakabalik pa kaya si Napoy sa dati nitong tahimik na buhay?
Para malaman ang kasagutan sa mga tanong na ito, panoorin hanggang dulo ang huling episode at hintayin ang inihandang post-credits scenes ng Royal Blood!
Samantala, balikan ang mga rebelasyong gumulat sa atin sa Royal Blood:
Intense at makapigil-hininga ang ginawang pag-amin ni Margaret (Rhian Ramos) sa pagpatay kay Gustavo (Tirso Cruz III) sa "Entrapment" episode ng Royal Blood noong Lunes, September 18.
Sa pangako ni Margaret na tutulungan at patatawarin siya, inamin ni Andrew (Dion Ignacio) na siya ang sumaksak kay Gustavo pero itinanggi nito na siya ang lumason dito.
Dahil sa pagpigil sa kanya ni Kristoff (Mikael Daez) na makaalis na sa mansyon kasama si Archie (Aidan Veneracion), ipinagtapat ni Diana (Megan Young) na hindi niya anak si Archie at anak ito ni Napoy (Dingdong Dantes).
Matapos na ipagtapat ni Diana kay Kristoff na dati silang magkasintahan ni Napoy, pilit siyang pinigilan nito sa pag-alis sa mansyon. Dahil sa pagpupumilit ni Kristoff, ibinunyag na ni Diana sa harap nina Margaret at Beatrice (Lianne Valentin) na si Kristoff mismo ang pumatay sa kanilang ina.
Kinumpirma ni Napoy ang natuklasan ni Tasha (Rabiya Mateo) tungkol sa pagkakaroon ng anak ni Cleofe (Ces Quesada). Dito na ipinagtapat ni Cleofe na anak niya si Emil (Arthur Solinap) sa kapatid ni Gustavo na si Eduardo.
Isang malaking pasabog ang inihanda ni Kristoff sa mismong party ni Margaret bilang bagong CEO ng Royal Motors. Dito ibinunyag ni Kristoff ang pagkakaroon nina Beatrice at Andrew ng secret affair.
Matapos na muling magkasagutan at magkapisikalan sina Margaret at Beatrice dahil sa secret affair ng huli kay Andrew, dito na nalantad sa lahat ang sakit na itinatago ni Margaret--ang pagkakaroon nito ng alopecia kung saan nalalagas ang buhok nito.
Para matigil na ang pagtatalo ng magkakaptid kung bakit hindi nag-match ang dugo ni Margaret sa kanila matapos nito tangkaing magpakamatay, ibinunyag na ni Cleofe na hindi anak ni Gustavo si Margaret at anak ito ng kanilang inang si Victoria sa ibang lalaki.
Sa pag-iimbestiga ni Napoy tungkol sa nakaraan ni Margaret, nalaman niya na nasaksihan ni Margaret ang ginawang pag-torture kay Efren (Migs Villasis) ng mga tauhan ni Gustavo. Dahil din dito, nalaglag ang anak ni Margaret, na nagdadalang tao na nang mangyari iyon.
Si Margaret ang pumatay kay Gustavo Royales. Pero sino kaya ang kasabwat nito? Alamin ang kasagutan sa finale ng Royal Blood ngayong Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad. Panoorin hanggang dulo ang huling episode at hintayin ang inihandang post-credits scenes ng Royal Blood!