
Naniniwala ang versatile Kapuso actress na si Glaiza De Castro na may kakaibang dynamic na hatid ang fellow OG Runner na si Ruru Madrid.
Kaya naman masaya siya na nabigyan ng chance si Ruru na magkaroon ng special participation sa 'Runners in Borderland: The Finale Race' na mapapanood sa darating na September 7 at September 8.
Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com kay Glaiza, sinabi nito na iba pa rin kapag kumpleto silang walong Runners.
“Ang saya, ang saya bigyan kami lahat ng chance even si Ruru to participate pa rin this season.” sabi ng Sparkle actress.
“Iba rin 'yung presence niya 'di ba, iba rin 'yung sinimulan niya rin sa Running Man. So ang saya na makasama siya ulit, kasi, iba talaga 'yung dynamic. Lalo na kapag nagsama-sama kaming walo, 'di ba, parang riot talaga siya.
“Ang saya na panoorin ulit. And ako I'm also looking forward to watch the final two episodes kasi hindi naman talaga alam kung ano 'yung kakalabasan.”
Kahit na nag-sink in na sa kaniya na matatapos na ang season two ng kanilang show, mas nangingibabaw daw ang pagiging 'grateful' niya sa halip na maging malungkot dahil blessing ang tingin niya na maging parte ng ganitong project.
Paliwanag ni Glaiza, “Nakaka-miss agad-agad. Kasi nung nag-simulang mag-post sila Mikael, sila Miguel, sila Buboy ng kaniya-kaniyang memories namin sa Korea. Parang nag-start na sa akin mag-sink in na, okay ito na talaga.
“Malapit na talaga kaming matapos. So, parang instead of feeling sad about it, binalikan namin 'yung masasayang memories na na-experience namin sa South Korea for the second time.
“Were just so blessed na umabot kami ng two seasons, and hopefully more to come. Pero masaya kasi sa pakiramdam na every time na nakakakita ako ng comment or may name-meet akong tao. Natutuwa sila sa Running Man, kasi nakakapagpasaya raw sa kanila.”
Nagugulat din daw si Boss G sa tuwing napapanood ang episodes ng Running Man Philippines dahil nung mga panahon na nasa South Korea sila ay focus silang lahat sa mga game and mission.
“Even ako, honestly, kapagka pinapanood ko 'yung mga episodes, kasi hindi nga namin alam kung anong kalalabasan nung final edit dahil while were doing it focus kami sa mga missions. Pero, nung pinapanood namin, 'Ay! ayan pala 'yung nangyari'” ani Glaiza.
“Tapos, ay 'yan pala sinabi ko, 'yan pala 'yung reaksyon ko. So, parang habang pinapanood namin siya nagfa-flashback din sa amin 'yung mga nangyari nung time na 'yun. Natatawa ako mag-isa, nakaka-miss din kasi dahil ang tagal din namin nagsama-sama.”
RELATED CONTENT: All the times Glaiza De Castro understood the assignment