
Inamin ni Katrina Halili na naging matigas ang kaniyang ulo noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.
Inilahad niya ito nang bumisita siya sa Sarap, 'Di Ba? noong April 13. Tanong ng host na si Carmina Villarroel kay Katrina, "Kung makakausap ang Katrina Halili na nagsisimula pa lang noon sa showbiz, ano ang mabibilin mo sa kaniya tungkol sa pagdadaanan niyang pagsubok?"
Ayon kay Katrina ay sana noon ay nakikinig siya sa mga aral na ibinigay sa kanila ng StarStruck.
Si Katrina ay parte ng unang batch ng reality based artista search na StarStruck. Umere ito noong 2003 sa GMA Network.
Ayon kay Katrina, ang magiging bilin niya sana sa sarili noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz, "Sana nakinig siya. Kasi marami siyang matututunan sana."
Nilinaw ni Katrina kung ano ang mga matutunan niya dapat noon bilang aspiring actress. Ani Katrina, "May lessons sa acting, kung ano-ano ang ginagawa, may hosting. Tinuturuan, ayaw niya e. 'Di siya nakikinig. Matigas ulo niya, marami sana siyang matututunan. Pero proud pa rin ako sa kaniya."
Inilahad pa ng Black Rider actress na sadyang mahiyain lang siya noon pero ang nakikita ng mga tao ay ang kaniyang strong personality.
"Shy siya, pero 'di nila alam 'yun. Siya lang nakakaalam. Parang strong ako, pero nahihiya ako."
Sa kaniyang pinagdaanan ay ang ipinagpapasalamat ni Katrina ay ang pagtitiwala ng GMA Network sa kaniyang talento.
Kuwento ni Katrina, "Ang suwerte ko lang, Ate Mina, kasi hindi sumuko 'yung GMA sa akin. Binigyan ako ng project. Siyempre nahasa na lang din ako. Ang gaganda ng project na napunta sa akin. Ang gagaling ng mga artista na nakasama ko. Natuto na lang din ako."
Balikan ang pagsagot ni Katrina sa hot seat question ng Sarap, 'Di Ba? dito: