
Simula September 9 ay mapapanood na ang Philippine adaptation ng K-drama series na Shining Inheritance sa GMA Afternoon Prime.
Ito ay pagbibidahan nina Kyline Alcantara at Kate Valdez, Paul Salas, Michael Sager at Ms. Coney Reyes.
Sa naganap na media conference para sa naturang serye kamakailan, ibinahagi ni Kate Valdez na labis ang kanyang pasasalamat na makatrabaho si Kyline Alcantara sa Shining Inheritance at nabuo niya ang kanyang karakter na si Inna Villarazon dahil sa huli.
"Noong nalaman na kasama ko si Kyline sa project na 'to, na-excite ako, honestly, kasi nakasama ko na siya sa Black Lipstick, siya 'yung lead namin doon. And na-excite ako dahil gusto kong tarayan niya ako, pahirapan niya ako, ganyan, and I'm thankful na ikaw ang Joanna sa Inna ko. Nabuo ko si Inna dahil din kay Joanna, dahil sa kung paano binigyang-buhay ni Kyline 'yung character ni Joanna. I'm really grateful and thankful na naka-work kita," pagbabahagi niya.
Dagdag pa ni Kate, “I'm happy to be able to work with you.”
Ayon kay Kyline Alcantara, nabuo rin niya ang kanyang role na si Joanna De La Costa dahil kay Kate Valdez. Dagdag pa ng Sparkle star, nagiging madali ang mga mahihirap na eksena ng serye dahil sa kanyang co-stars.
Aniya, “Just like what she said, nabuo ko rin si Joanna dahil kay Kate. Si Kate, she's a thinking actress at nagbibigay siya sa eksena. Mahirap 'yung eksena pero kung may ka-eksena ka na kasing galing ni Kate at nitong mga kasama po natin sa stage, nagiging madali 'yung mahirap na eksena.”
Ikinuwento rin ni Kyline kung paano nila pinaghahandaan ni Kate ang kanilang matitinding eksena sa afternoon drama.
“Yakapan muna po, pag-uusapan namin, 'Tototohanin ba natin?' Pero sa amin po kasing dalawa ni Kate, gusto talaga namin mas totoo para tagos na tagos sa screen ng ating mga Kapuso. Pero siyempre, aaminin ko naman po, may moments talaga na 'di namin maiwasang magkasakitan. Pero kaming dalawa ni Kate, we're really professional. So alam namin na trabaho 'to,” kwento niya.
Sa Shining Inheritance, may special participation ang batikang aktor na si Ariel Rivera. Kabilang din sa stellar cast ng afternoon soap sina Wendell Ramos, Glydel Mercado, Aubrey Miles, Roxie Smith, Gio Alvarez, Dave Bornea, Jamir Zabarte, Seth Dela Cruz, at Charuth.
Related Content: Cast ng PH adaptation ng KDramang 'Shining Inheritance', nagkita-kita na sa story conference