Natutuwa ang Kapuso star na si Michael Sager na nakatrabaho ang kanyang “dream leading lady” na si Kate Valdez sa Philippine adaptation ng K-drama na Shining Inheritance.
Sa naturang serye, gaganap si Michael bilang Euan De La Costa, habang makikilala naman si Kate bilang Inna Villarazon.
Relate gallery: 'Shining Inheritance' stars dazzle at the show's media conference
Noong Huwebes (September 5), nakisaya ang Kapuso stars sa Unang Hirit kasama sina Lyn Ching at Shaira Diaz. Dito ay tinanong si Michael kung ano ang kanyang nararamdaman ngayong nakatrabaho niya si Kate.
"It's so surreal, but it feels really nice kasi I always remember noong nagsisimula po ako, noong very early days, I would always say si Kate Valdez 'yung gusto kong maka-partner, makatrabaho and grabe God gave me this blessing, na-manifest," pagbabahagi niya.
Ayon pa kay Michael, natutuwa siyang nakatrabaho si Kate dahil tinutulungan siya ng aktres sa mga eksena ng serye.
Aniya, "I'm so happy kasi ang galing ni Kate as an actress and she really helped me throughout all of the tapings we've had together."
Bukod dito, live na inawit nina Michael at Kate sa longest-running morning show ang official soundtrack ng Shining Inheritance.
Ang Shining Inheritance ay pagbibidahan nina Kyline Alcantara at Kate Valdez, Paul Salas, Michael Sager at Ms. Coney Reyes.
May special participation sa naturang serye ang batikang aktor na si Ariel Rivera.
Kabilang din sa stellar cast ng Shining Inheritance sina Wendell Ramos, Glydel Mercado, Aubrey Miles, Roxie Smith, Gio Alvarez, Dave Bornea, Jamir Zabarte, Seth Dela Cruz, at Charuth.
Abangan ang premiere ng Shining Inheritance sa September 9 sa GMA Afternoon Prime.