Article Inside Page
Showbiz News
Tototohanin na ba nila?
By CHERRY SUN

Fact or Bluff nga ba ang mga nakakakilig na ipinapakita on-screen nina Jose Manalo at Eugene Domingo sa
Celebrity Bluff?
Sa interview sa kanila ng
Startalk, hindi pa raw masabi ni Jose kung tototohanin nila ang kanilang tambalan, kaya tanong niya kay Uge, “Di nga natin alam eh. Ikaw ba tototohanin mo?”
Walang pag-aalinlanlangan at nakangiting sinagot ito ni Uge ng: “Pwede.”
“‘Yun pala. Kasi nasa babae ‘yan. Kahit anong gusto ng lalaki, kung ayaw ng babae, walang magagawa. Tutal gusto mo na, pwede na. Eh di pwede na! Lalayo pa ba tayo?” tugon ni Jose.
“Parang nasa loob ka lang ng bahay nyan. Habang tumatagal nade-develop [ang mga] mga bagay-bagay, natututuhan ganun. Magkamukha na nga kami,” dagdag pa niya.
Paliwanag ng dalawang hosts, walang halong acting ang kanilang ipinapakita sa episodes ng kanilang game show tuwing Sabado.
“Basta ako, honest lang ako sa nararamdaman ko. Kung ano ‘yung nakikita niyo sa TV, ‘yun ‘yun. Hindi ‘yun pinipilit tsaka hindi naman siya mahirap magustuhan,” pag-amin ni Eugene.
Dagdag pa ng female host, madalas ay kinikilig siya sa mga nangyayari between her and Jose.
Sumang-ayon din si Jose. “Honest din naman ako sa TV. Kung ano ang nakikita niyo, ‘yun na rin ‘yun. Hindi naman mapipilit, pero syempre sa katayuan ko natatakot na ako eh.”
Hindi pa man sila officially together ay maraming mga tagasubaybay ng nasabing game show ang nagnanais na sila ay magkatuluyan.
Ang huling mensahe ni Uge, “Patuloy lang kayong manood ng
Celebrity Bluff dahil katulad namin, hindi namin alam kung anong mangyayari. Basta masaya.”