
Masaya ang mag-asawang Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa kanilang pinagbibidahang afternoon series na Stories from the Heart: The End of Us. Dahil bukod sa ito ang una nilang Kapuso serye na magkasama, natuwa raw sila sa kuwento ng kanilang mga karakter dito.
Sa ginanap na media conference ng nasabing series kamakailan, may rebelasyon naman ang dalawa patungkol sa kanilang relationship pagdating sa trabaho. Kuwento nila, madalas din daw ang kanilang pagtatalo tuwing nasa taping dahil sa marami nilang pagkakaiba bilang aktor at aktres.
“Kaming dalawa kasi ni Mina iba 'yung style. She's an organic actor. Ako very technical,” sabi ni Zoren.
Kuwento ng aktor, “Kunwari, tinawag kaming actors. Ako, you have to give me five to ten minutes. I need to internalize. I need to review my lines. Pagdating sa set, I need to be in the zone. Siya kasi organic.”
Paglalahad pa ni Zoren, mabilis daw kasi humugot ang kanyang misis na si Carmina, kahit biglaan ang cue at take ng direktor ay naka-acting mode agad.
“Ganyan siya ka natural. Ako I need to prepare," ani Zoren.
Kaya isa raw ito sa madalas na pagtalunan ng dalawa kapag nasa set o taping. Kuwento pa ni Zoren, pinapasundo pa raw siya ni Carmina sa kanyang kwarto kahit na inaaral niya pa ang kaniyang script.
“Kaya kami nag-aaway sa set. She's so worried about me. Mahal na mahal niya ako para akong anak niya na kailangan intindihin," ani Zoren.
Paliwanag naman ni Carmina, "He's my husband eh. 'Yung concern at pagmamahal ko more than the bickering namin. It's just because of the concern and love for each other kasi may paki kami sa isa't isa.”
Samantala, kasama naman ng power couple sa The End Of Us ang beauty queen na si Ariella Arida, Johnny Revilla, Karel Marquez, at Andrew Gan.
Subaybayan ang Stories from the Heart: The End Of Us, Lunes hanggang Biyernes, 3:25 ng hapon pagkatapos ng Las Hermanas sa GMA Afternoon Prime.