
Sa Tadhana: Ang Nanay Kong DH, mapapanood ang kuwento ni Nora (Lotlot de Leon), isang nanay na nangarap mabigyan ng mabuting buhay ang kanyang pamilya.
link -
Para sa maraming Pilipino, ang pag-abroad ay inaakalang susi sa pag-angat ng buhay. Isa na rito si Nora, isang ina na nagdesisyong iwan ang kanyang anak at pamilya sa Pilipinas upang magtrabaho bilang domestic helper sa Singapore. Sa kabila ng pangarap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga mahal sa buhay, isang malupit na realidad ang kanyang kinaharap sa banyagang lupain.
Sa halip na maranasan ang paggalang at patas na pagtrato, isang mapang-abusong amo ang naging kapalaran ni Nora. Araw-araw ay dinaranas niya ang pagod, pang-aalipusta, at kawalang katarungan--mga sakit na pinili niyang itago sa kanyang pamilya. Ayaw niyang dagdagan pa ang alalahanin ng mga naiwan niya sa Pilipinas, kaya't tiniis niya ang lahat nang mag-isa.
Makaraan ang ilang taon ng sakripisyo at pagpapakatatag, nagbukas ang pagkakataon para makalaya si Nora sa kanyang mapang-abusong amo. Sa wakas ay makakauwi na siya sa Pilipinas. Ngunit kasabay ng kanyang pagbabalik ay ang bumabalot na pangamba: matatanggap pa kaya siya ng anak na tila iniwan at ng pamilyang matagal niyang hindi nakapiling?
Ang kuwento ni Nora ay isang paalala ng katahimikan at kabayanihan ng mga migranteng Pilipino--mga taong pilit na nilalabanan ang lungkot at pang-aapi alang-alang sa pamilya. Ngunit sa likod ng kanilang sakripisyo, ang tanong ay nananatili: Sa pag-uwi nila, may puwang pa kaya sila sa pamilyang matagal na nilang pinaglilingkuran mula malayo?
Abangan ang kuwento ng Tadhana: Ang Nanay Kong DH ngayong Sabado, 3:15 p.m. sa GMA-7 at sa GMA Public Affairs' Facebook and YouTube livestream.