
Mahigit 1 million views na ang inabot ng trailer para sa Tadhana: Senior Love episode na ipapalabas ngayon May 29, 3:15 ng hapon.
Tampok ang storya ng OFW na si Mario (Tonton Gutierrez), na halos dalawang dekada nanilbihan bilang isang undocumented foreign worke sa Japan.
Mula nang magtapos ang kontrata niya, napilitan siyang mag-TNT, o “tago nang tago” sa mga awtoridad, para patuloy na makapagtrabaho at makapagpadala ng pera sa Pilipinas.
Itinapon niya ang kanyang dignidad para lang mabuhay ang kanyang pamilya.
Sa hirap ng buhay bilang TNT, hindi siya makauwi kahit pa pumanaw ang asawa niyang si Margie.
Labis itong dinamdam ng kanyang mga anak.
Sa pagbabalik-Pilipinas ni Mario, mararamdaman niya ang sama ng loob ng kanyang dalawang anak na sina Nick (James Teng) at Rachelle (Meg Imperial).
Mabuti na lang at makikilala niya ang masahistang si Kristine (Maui Taylor), na magbibigay sa kanya ng atensyon sa oras ng kanyang kahinaan.
Mapapatawad pa kaya nina Rachelle at Nick ang kanyang ama sa pagkakaroon ng higit na mas batang nobya?
Paano kung malaman nilang agad na pinalitan ang kanilang ina?
Huwag palalampasin ang Tadhana GMA Special: "Senior Love" Part 1, ngayong Sabado, May 29, 3:15 PM sa GMA-7!