
Samahan sina LJ Reyes at Pancho Magno para sa isang online live chat ngayong umaga, 11AM sa Tadhana Facebook page.
Umabot na ng mahigit 4 million views ang Tadhana: 'Ang Lihim Ni Ellen' Part 1 teaser sa Facebook.
Tiyak na marami ang makaka-relate at magugulat sa mga hinanakit at lihim nina Migo (Pancho Magno) at Ellen (LJ Reyes).
Heartbroken ang seaman on leave na si Migo dahil nadiskubre niya na nangangaliwa ang kanyang long-term girlfriend na si Naomi (Teresita Ssen “Winwyn” Marquez).
Ang inaakala niyang relasyon na mauuwi sa kasalan ay nauwi lang sa masakit na hiwalayan. Kaya naman, naisipan ni Migo na magbakasyon muna sa probinsya ng kanyang tropang seaman, ang binatang si Kiko (Joaquin Manansala).
Pahinga lang dapat muna sa pag-ibig itong si Migo pero sa kanyang pamamasyal, may nakilala siyang magandang dilag sa isang burol, si Ellen (LJ Reyes).
Malambing, matalino at kagaya niyang nalulumbay itong si Ellen dahil dito nabihag ni Ellen ang puso ni Migo.
May hadlang lamang sa kanilang pag-iibigan. Una na rito ang istriktong tiyahin ni Ellen na si Mrs. Malvar, na sapilitang ipakakasal ang pamangkin sa matandang Amerikanong si Joe.
Pangalawa ay si Naomi na sumunod na rin sa probinsya kasama ang beki bestfriend nitong si Chanda (Skelly) para makipag-ayos kay Migo.
Para matakasan ang mga problema, maiisipan nina Migo at Ellen na magtanan. Pero sa mismong gabi ng kanilang pagkikita, hindi darating at bigla na lang mawawala itong si Ellen.
Paano kung sa pagpunta ni Migo sa bahay ni Ellen, madiskubre niya ang tunay na pagkatao nito? Ano ba ang misteryo na bumabalot kay Ellen? Saan ito pumunta at iniwan na lamang basta basta si Migo?
Paano magtatagpo ang dalawang pusong sugatan na umibig sa maling panahon?
Samahan si Primetime Queen Marian Rivera sa Part 1 ng Tadhana: 'Ang Lihim Ni Ellen,' ngayong Sabado, 3:15 PM sa GMA-7!