
Nakisaya ang Royal Blood star na si Lianne Valentin sa The Boobay and Tekla Show kamakailan.
Sumalang ang Sparkle actress sa fun dating game na “Pusuan Na 'Yan,” kung saan tatlong hunks ang sinubukang mapabilib at manalo sa puso ng guest celebrity.
Bago sumabak si Lianne sa “Pusuan Na 'Yan,” tinanong siya nina TBATS hosts Boobay at Tekla kung ano tipo niya sa isang lalaki.
Sagot ng Kapuso star, “Ang gusto ko lang naman sa isang lalaki, rerespetuhin ako at mamahalin ako nang todo todo with all of his heart.”
Matapos ito, tinanong ni Boobay si Lianne kung ano ang tipo niya sa isang lalaki pagdating sa physical appearance.
“Siyempre dapat 'yung kaya akong buhatin, I-Dawn Zulueta mo ko gano'n,” ani ng guest star.
Dagdag na tanong ng komedyante, “Malaking tanong. Kailangan ba may trabaho?”
“Siyempre naman kasi ako nagta-trabaho ako, e. Hindi naman puwedeng ako at ako lang dapat equal. Siyempre, plus points 'yung may trabaho ka. Ibig sabihin kasi may gusto kang mangyari sa buhay mo,” pagbabahagi ni Lianne.
Samantala, sino kaya kina Mr. Basketball (Manolo Pedrosa), Mr. Beach Volleyball (John Vic De Guzman), at Mr. Bowling (Ken Horiuchi) ang pupusuan ni Lianne? Alamin sa video sa ibaba.
Bukod dito, nabiktima sina Manolo at Ken ng isang prank sa “Na-TBATS Ka!” matapos nilang gamitin ang electric shock pens sa pagguhit habang naka-blindfold.
Patuloy na subaybayan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:40 p.m., sa GMA at Pinoy Hits.