
Saya at full of kilig vibes ang hatid nina Sofia Pablo at Allen Ansay, o Team Jolly, sa The Boobay and Tekla Show noong nakaraang Linggo.
Nakisaya ang Prinsesa ng City Jail stars sa seventh anniversary celebration ng naturang programa at sumalang sila sa mga nakatutuwang challenge. Isa na rito ay ang “Truth or Dare” kung saan sinagot nila ang ilang maiinit na tanong.
Isa sa mga tanong para kay Allen ay kung wala siyang ka-love team ngayon at bibigyan siya ng chance pumili ng makaka-love team, sino ang pipiliin niya maliban kay Sofia.
“Actually dati ko pa 'to gusto talaga maka-love team. Pagpasok ko pa lang dito sa industry na 'to, isa na siya sa mga gino-goal ko kasi maganda siya, matangkad, may dating. Kumbaga, iba 'yung charisma niya,” ani Allen.
Hirit ni Boobay, “Si Kiray?”
Biro naman ng Sparkle actor na si Tekla ang kanyang tinutukoy.
Ayon kay Allen, ang artistang pipiliin niyang maka-love team ay si Heart Evangelista.
Isa naman sa tanong para ay Sofia ay tungkol kay Allen at kapwa nilang Sparkle artist na si Miguel Tanfelix.
“Inamin mo noon na super crush mo si Miguel Tanfelix. Kung single si Miguel ngayon at sabay silang nanligaw ni Allen sa 'yo, sino ang sasagutin mo?” tanong ni Tekla sa aktres.
Sagot ni Sofia, "Siyempre, si Allen.” Nang tanungin ang young actress kung bakit si Allen ang sagot nito, aniya, "Kay Kuya Miguel, happy crush lang naman 'yon pero 'yung nakikita ko na pwede ko talagang maging forever, si Allen 'yun."
Kasalukuyang napapanood sina Sofia Pablo at Allen Ansay sa GMA Afternoon Prime series na Prinsesa ng City Jail.
Samantala, subaybayan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:05 p.m., sa GMA at Kapuso Stream. Mapapanood din ang programa sa oras na 11:05 p.m. sa GTV.