
Maituturing na talagang isa sa mga top comedians ngayon si Boobay lalo na at mayroon na siyang TV program kasama si Tekla. ang The Boobay and Tekla Show. Paano nga ba siya nakapasok sa showbiz bilang isang komedyante?
IN PHOTOS: 12 reasons Boobay and Tekla are among today's top comedians
Binalikan ni Boobay kung paano siya nagsimula sa entertainment industry nang humarap siya kasama si Tekla sa ginanap na press conference ng kanilang comedy program.
Pag-alala niya, “Magti-third year college po ako noon sa Baguio, sa St. Louis University. Nanonood ako ng TV, bigla ko nakita na may patalastas po sa GMA na kailangan daw nila ng komedyante sa 'Kili-TV' show. Tapos ang ginawa ko, doon sa kaibigan ko, kaklase ko, sabi ko, 'i-video-video mo nga ako nung mga ginagawa ko, mga ginagaya-gaya kong artista.”
“Ang naaalala ko naglagay pa ako ng picture ko, 'yung parang kamukha ko si Ethel Booba kasi sinasabi ng mga kaklase ko. Tapos hindi ko in-expect na may tatawag sa akin. Bigla tinawagan ako ni Direk (Cesar) Cosme. Tinext niya ako na kasama ako sa mga contestants, na ilalagay daw po kami sa iba't ibang comedy shows. Kaya kung meron man po akong talagang pasasalamatan nang sobra-sobra, si Direk Cosme 'yun kasi siya talaga nagbukas ng pagkakataon sa akin,” patuloy niyang kuwento.
Matapos ang KiliTV Comedy Hunt, umekstra siya sa Idol Ko Si Kap. Ipinagpatuloy rin daw ni Boobay ang kanyang pag-aaral at matapos grumaduate sa kolehiyo, inimbitahan siyang muli ni Direk Cosme. Naging bahagi rin siya ng Takeshi's Castle, May Tamang Balita, Extra Challenge, Celebrity Bluff, Day Off, Ismol Family, CelebriTV, Eat Bulaga, Yan Ang Morning, Unang Hirit, Full House Tonight, All Star Videoke, at Super Ma'am.
Ngayon, hindi makapaniwala si Boobay na nasa pamagat ng bagong comedy show on TV ang pangalan niya. Simula nang napanood ang The Boobay and Tekla Show sa telebisyon nitong Linggo, January 27. Maliban sa Sunday timeslot nito pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho, mapapanood pa rin ang TBATS sa GMANetwork.com/TBATS, GMA Network YouTube channel, at GMA Network Facebook page tuwing Huwebes, 5 P.M.