
Sa kauna-unahang pagkakataon, napanood ang social media sensation na si Madam Inutz, o Daisy Lopez Cabantog sa tunay na buhay, sa The Boobay and Tekla Show (TBATS) noong nakaraang Linggo (January 22).
Mas nakilala ang famous live-selling star nang sumalang ito sa “May Pa-Presscon” segment kasama ang lalaking nagpapasaya sa kanya. Walang iba kung hindi ang kanyang nobyong si Christian “Tan Tan" Noel.
Sa naturang segment, nagkuwento ang magkasintahan tungkol sa kanilang relasyon tulad na lamang ng mga katangiang nagustuhan nila sa isa't isa.
Ayon kay Tan Tan, hinahangaan niya si Madam Inutz dahil sa personalidad nito at pagiging mapagmahal sa pamilya.
“Yung personality niya, 'yung pagmamahal niya sa pamilya niya, talagang nakakahanga. Ayun 'yung hinahanap ko sa isang babae, sa kanya ko nakita,” aniya.
Para naman kay Madam Inutz, nagustuhan niya ang pagiging responsableng ama ng kanyang partner sa dalawang anak nito.
“Hindi sa pamba-bash ng ibang kalalakihan. Mayroon din kasi sa ating mga Pilipino na tinatalikuran 'yung mga responsibilidad nila sa mga anak nila. Si Tan Tan kasi kahit gano'ng klase 'yung trabaho niya noong nakilala ko siya, never niyang tinalikuran 'yung dalawang anak niya. Doon ko siya hinangaan,” pagbabahagi niya.
Gaya ni Tan Tan, mayroon ding anak si Madam Inutz sa dating relasyon. Bukod dito, never pa raw nagkaroon ng away sa pagitan nina Madam Inutz at Tan Tan mula nang sila ay nagkakilala.
Paliwanag ng social media star, “Kasi ako napakalawak ng pang-unawa ko, especially sa trabaho at hindi lang ako tumayo bilang girlfriend, tumayo rin ako bilang ina niya. 'Yun ang maipagmamalaki ko.”
Ipagdiriwang nina Madam Inutz at Tan Tan ang kanilang first anniversary sa darating na March 3.
Matapos ang masayang kuwentuhan, ipinamalas ni Madam Inutz ang kanyang singing prowess sa isang showdown kasama sina TBATS hosts Boobay at Tekla, pati ang Mema Squad na sina Buboy Villar, Jennie Gabriel, Jessica Villarubin, Ian Red, at Pepita Curtis.
Samantala, ipinagdiwang naman ni Pepita ang kanyang kaarawan at nakatanggap ng sweet messages mula sa kanyang TBATS family.
Para sa mas marami pang tawanan at good vibes, patuloy na subaybayan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo via livestream at sa GMA pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG SOCIAL MEDIA STARS NA NAPANOOD SA IBA'T IBANG PROGRAMA SA GMA.