
Hinarap nina Underage stars Lexi Gonzales, Elijah Alejo, at Hailey Mendes ang iba't ibang maiinit na tanong tungkol sa pag-ibig at relationship sa kanilang guest appearance sa The Boobay and Tekla Show noong nakaraang Linggo (April 16).
Sumabak ang tatlong aktres sa “Who Is Most Likely To” segment ng programa at isa sa mga tanong para kina Lexi, Elijah, at Hailey ay kung sino sa kanila ang malamang na unang mag-aasawa.
Itinaas nina Elijah at Hailey ang pangalan ni Lexi at ang sagot din ng StarStruck alum ay ang kanyang sarili.
“Ako siguro kasi mas matanda ako, e. Baka lang naman pero hindi rin sure,” sagot ni Lexi.
Tinanong naman ni TBATS host Boobay si Lexi kung sa tingin niya na ang nobyong si Gil Cuerva na ang nakikita niyang the one.
“Sana,” aniya. Nang tanungin ang Kapuso actress kung ano ang mensahe niya para kay Gil, pabirong sinabi ni Lexi, “Maghihintay lang ako [laughs] Joke lang.”
PHOTO COURTESY: The Boobay and Tekla Show
Noong January, inamin ni Lexi sa episode ng Updated with Nelson Canlas podcast na sila ni Gil ay in a relationship na.
Samantala, isa pa sa mga nakaiintrigang tanong para sa mga aktres ay kung sino sa kanila ang malamang na magpapaiyak ng maraming lalaki.
Itinaas ni Lexi ang pangalan ni Elijah habang parehong sina Lexi at Elijah naman ang sagot ni Hailey. Pinili rin ni Elijah ang kanyang sarili para sa nasabing katanungan.
Ayon kay Lexi, maraming lalaki ang nahuhulog sa dating Prima Donnas star dahil sa pagiging sweet at malambing nito. Dahil dito, tinanong ni Mema Squad member Pepita Curtis si Elijah kung pa-fall ba ito.
“Nang hindi ko sinasadya [laughs],” sagot ng teen star.
PHOTO COURTESY: The Boobay and Tekla Show
Bukod dito, sumabak din sa aktingan ng iba't ibang scenario sina Lexi, Elijah, at Hailey kasama ang Mema Squad at ilang studio audience.
PHOTO COURTESY: The Boobay and Tekla Show