
May inihahandang pasabog concert ang Top 6 contestants ng The Clash kasama ang hosts ng show na sina Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Rita Daniela at Ken Chan bago ang inaabangang grand finals ng singing competition.
Matira ang matibay na sa anim na Clashers na magbabanggaan sa semi-finals ng The Clash dahil lima lamang sa kanila ang makakatuntong ng grand finals sa December 20.
Puspusan na rin ang paghahanda nina Larnie Cayabyab, Yuri Javier, Shemee Buenaobra, Renz Robosa, Jennie Gabriel, at Jessica Villarubin dahil isa lamang sa kanila ang tatanghalin kampeon.
Para sa mga host, wala na raw itulak kabigin sa mga ito dahil lahat umano ay deserving na manalo.
“Sobrang nakaka-proud lang po. From the very beginning sobrang pinakita nila 'yung kanilang galing, pinakita nila 'yung kanilang makakaya talaga and 'yung best talaga nila. Every week sila nag-i-improve,” lahad ni Julie.
Ang magwawaging Clasher ay tatanggap ng one million cash prize, house and lot, sasakyan at GMA exclusive contract.
“Lahat sila magaling, lahat sila deserving. Sa puntong ito, matira matibay na lang talaga,” sabi naman ni Rayver.
Samantala, bago ang finals ay may ihahandog na grand concert ang contestants kasama ang hosts para sa viewers ng show.
Abangan ang kanilang grand concert sa The Clash.