
Ang successful run ng third season ng The Clash sa kabila ng pandemya ay isa sa mga ipinagpapasalamat ng Clash Master ng programa na si Julie Anne San Jose ngayong 2020.
Ayon sa Instagram post ng Asia's Pop Diva noong Linggo, December 20, "I want to acknowledge everyone behind The Clash who worked hard on this project; despite our current situation, everyone managed to deliver the best of themselves - contestants, hosts, judges, and the people who put up this show and made sure that all things were in proper order."
Hindi naging madali para sa produksyon, cast, at contestants ng The Clash ang pagbubukas nito ng ikatlong season. Ito ay dahil sa mga bagong patakaran na kailangan nilang sundin alinsunod sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Nakakapanibago ang polisiya ngunit nasanay din sila dahil alam nila na para rin ito sa kanilang kaligtasan. Ilan lamang sa health and safety guidelines na ipinatupad ng management ng programa ang swab testing kada tatlong araw na taping.
Mula sa nakagawiang top 64, matatandaang sa top 30 contesants nagsimula ang opisyal ng round ng The Clash Season 3 para malimitahan ang tao sa studio at ma-maintain ang distancing.
Sa kabila nito, ikinatutuwa ni Julie Anne na marami pa rin ang pursigido at handang mag-risk para makamit ang kanilang pangarap gaya ng newly-crowned The Clash winner na si Jessica Villarubin
Sambit ni Julie Anne, "As a Clash Master, it's an honor na maging parte ng programang ito, nakakataba ng puso at nakaka-inspire lalo to reach for our dreams. Soooo happy for our Clashers as well; this is not the end of your journey but only the beginning. I'm very proud. Congratulations to our winner, @jessicavillarubin, well-deserved!"
Sa dulong parte ng kanyang post, ibinunyag ni Julie na magkakaroon ng The Clash Season 4 sa 2021.
Ika niya, "Hope to see you all next year for THE CLASH 2021! To God be the glory!"
Pero bago iyon, inimbitahan niya ang viewers na manood ng The Clash Christmas Special: Pasko Para Sa Lahat. Ipapalabas ito sa araw ng Pasko, December 25, pagkatapos ng 24 Oras at bago ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) finale.
Tampok sa Christmas TV special si Julie at kanyang co-Clash Master na si Rayver Cruz, Journey Hosts na sina Ken Chan at Rita Daniela, The Clash judges na sina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Pops Fernandez, at mga dating kalahok ng programa gaya ng tatlong grand champions na sina Golden, Jeremiah, at Jessica.
Tampok din dito ang The Clash judge na si Lani Misalucha na muling mapapanood sa telebisyon.
Sa unang pagkakataon, ilalahad ng Asia's Nightingale ang kondisyon ng kanyang kalusugan matapos ang kanyang two-month absence sa programa.
Bukod kina Golden, Jeremiah, at Jessica, may appearance din ang The Clash graduates na sina Anthony Rosaldo, Nef Medina, at XOXO na binubuo nina Lyra, Riel, Mel, and Dani.