
Puno ng pasasalamat ang The Lost Recipe lead actor na si Kelvin Miranda dahil sa kanyang panibagong pagkilala na nakuha sa larangan ng pag-arte.
Photo source: @iamkelvinmiranda
Pinarangalan si Kelvin Miranda bilang Best Young Actor, para sa Netflix film na Dead Kids, sa 7th Urduja Heritage Film Awards ngayong January 2021.
Ginampanan ni Kelvin ang karakter na Mark Sta. Maria sa Dead Kids, na unang ipinalabas sa Netflix noong December 2019.
Dito, nakatanggap ang 21-year-old Kapuso actor ng iba't ibang positive reviews mula sa mga manonood.
Sa exclusive na mensahe na ipinadala ni Kelvin sa GMANetwork.com, ibinahagi niya ang kanyang saya na makakuha ng isang parangal sa pagsalubong ng 2021.
Excited rin ang aktor sa nalalapit na pagpapalabas ng fantasy-romance series ng GMA Public Affairs na The Lost Recipe.
“Masaya po ako dahil maganda ang salubong sa akin ng 2021. Bukod sa The Lost Recipe, na-appreciate po ng mga tao ang pelikula namin pinamagatang Dead Kids.”
Nilinaw ng aktor na nakuha niya ang pagkilalang ito sa tulong rin ng kanyang mga naging kasama sa pelikula.
“Hindi naman po mangyayari 'yun kung hindi dahil sa mga katrabaho ko. Nagtiwala sila sa akin. Mula producer, direktor, hanggang sa kadulu duluhan ng produksyon ay talaga namang ramdam ang suporta sa isa't isa.
“Malaki ang pasasalamat ko para doon.”
Ibinahagi ni Kelvin na marami pang dapat abangan sa kanya ngayong 2021.
Mapanonood ang award-winning actor sa pelikulang Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan sa direksyon ni Chito S. Roño.
“Abangan po ninyo ang pelikulang pinamagatang Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan directed by Chito Roño," paghihikayat ni Kelvin.
Bukod rito, ipalalabas na rin ngayong 2021 ang The Lost Recipe, na pagbibidahan nina Kelvin at Mikee Quintos, na makakatambal ng binatang aktor sa unang pagkakataon.
Sa The Lost Recipe ay gaganap si Kelvin bilang isang failed chef na si Harvey.
Ayon kay Kelvin, isa ito sa kanyang pinakainaabangan ngayong 2021.
“Higit sa lahat, mapapanood ngayong taong ang pinakainaabangang The Lost Recipe. Mapapanood rito sina Mikee Quintos, me, and Paul Salas," ani Kelvin.
Saad pa ni Kelvin, sabik na siyang ipakita ang kanilang bagong proyekto sa GMA.
“Malapit nang matikman ang bagong timpla ng drama sa GMA!”
Tingnan ang iba pang mga larawan ng award-winning actor na si Kelvin Miranda sa gallery na ito.