
Aminado si Kelvin Miranda na nag-iba ang takbo ng kaniyang showbiz career simula nang maging leading man siya sa The Lost Recipe.
Si Kelvin ay gumanap na Chef Harvey at naging katambal ni Mikee Quintos, na gumanap naman bilang Apple.
Kuwento ni Kelvin, napansin niyang mas marami na ang nakakakilala sa kaniya kapag siya ay lumalabas.
Saad ni Kelvin sa ginanap na media interview para sa finale ng The Lost Recipe, "Kapag pumupunta ako ng grocery, naka-mask and face shield po ako, nakikilala pa rin nila ako kahit hindi ako nakikita."
"Kasi ako, nahihirapan akong kilalanin 'yung mga tao kapag naka-face shield and face mask, e.
"Pero ako nakikilala pa rin nila ako. Mas nare-recognize na po ako ngayon."
Masaya pang ikinuwento ni Kelvin na tumatak ang kaniyang karakter na si Chef Harvey sa kaniyang pangalan.
Ang tawag na sa kaniya ngayon ng mga taong nakakasalamuha niya ay Chef Harvey.
Pag-amin ng aktor, "Kahit sa mismong building ng GMA, nakakatuwa 'yung mismong staff ng GMA binabati ako tinatawag ako sa pangalan ng character ko. Mas nakakatuwa kasi ibig sabihin nare-recall nila character mo, tumatatak sa kanila.
Photo source: @iamkelvinmiranda
Pagpapatuloy pa ni Kelvin, sana ay hindi makalimutan ng tao ang kaniyang totoong pangalan.
"Ang tawag nila sa akin dati Mark Sta. Maria ng Dead Kids.
"Ngayon ang tawag naman nila sa akin ngayon ay Chef Harvey.
"Sana susunod kong role ganun pa rin. Pero huwag nilang kakalimutan na si Kelvin yung gumanap bilang Chef Harvey."
Dahil sa pagbabago sa kaniyang career na dulot ng pagganap niya sa lead character ng The Lost Recipe, willing pa kayang tumanggap si Kelvin ng supporting roles sa mga susunod na project?
Saad ng aktor, tatanggapin niya kung ano man ang itinadhana para sa kaniya.
"Kung 'yun po ang nakatadhana, wala pong magiging masamang dating sa akin.
"Kung hindi po 'yun 'yung para sa akin, hindi rin po magiging masama ang dating sa akin.
"Tatanggapin ko po kung ano man 'yung kalabasan nitong show, kung ano man 'yun maging dating sa akin o kapalit nitong The Lost Recipe."
Ayon pa sa Kapuso actor, nagpapasalamat siya sa kung anumang klase ng opportunity ang dumating sa kaniyang showbiz career.
"Okay lang pong support, okay lang din leading man. So, doon po ako sa side na 'yun.
"Kung ano po ang dumating, tinatanggap ko naman po.
"Kung payagan ako ng network or ng manager ko sa role, e, 'di mas okay.
"Ako naman po thankful ako sa lahat ng natatanggap ko. Hindi po ako nagrereklamo."
Abangan ang last two episodes ng The Lost Recipe, 8:50 p.m. sa GTV.
Tingnan naman ang stylish photos ni Kelvin sa gallery na ito.