
Aabante na sa semifinals ng The Voice Generations ang grupo ng mga kabataan at talented singers mula Cagayan De Oro na Vocalmyx.
Ang Vocalmyx ay isa sa dalawang natitirang grupo mula sa team ni Coach Stell na Stellbound.
Ang grupo ang binubuo nina Renier Jupiter, Raven Joshua Zamora, Renz Romano, Reynan Paul, Shanny Obidos, Claire Marie Rañoa, Charisse Engracia Apag, at Rico Robito.
Bago makasali at mas makilala sa The Voice Generations, iba't ibang pagsubok ang pinagdaanan ng bawat isang miyembro ng nasabing grupo.
Kuwento ni Raven, kabilang sila sa mga nasalanta ng bagyong Sendong noon nang manalasa ito sa kanilang bayan sa Cagayan De Oro. Karamihan umano sa kanila ay nawalan ng tirahan at nawalan ng kabuhayan ang mga magulang.
Nang malaman ang tungkol sa The Voice Generations, mula sa Cagayan De Oro ay bumiyahe sila ng nasa 33 oras ang Vocalmyx upang makaabot sa Blind Auditions ng The Voice Generations sa Manila.
Ayon sa isa sa mga miyembro ng grupo na si Reynan, wala silang ibang nasa isip noon kung 'di ang makaabot sa auditions.
Aniya, “Before po sa CDO pa lang po kami goal talaga namin sa team kahit umabot lang tayo doon sa Manila kahit anong mangyari doon basta makaabot lang tayo.”
Kuwento naman ng isa sa mga original na miyembro ng grupo na si Renz, inisip niya noon na sumuko na sa pagbuo ng grupo dahil lagi na lamang siyang naiiwan ng kaniyang mga kagrupo.
“Umabot din po sa time na parang feeling ko i-stop ko na 'yung pagbuo ng grupo kasi nga parang wala namang nangyayari kasi paulit-ulit akong naghahanap ng mga grupo tapos biglang may conflict. Parang feeling ko po minsan naiiwan ako sa ere,” ani Renz.
Pero nabuhayan naman ang binatang singer nang makilala niya na ang mga bago niyang mga kaibigan.
Aniya, “Siguro 'yung mga time na iniwan ako 'yun din po 'yung nagpa-realize sa akin na hindi ko po kailangan na i-stop 'yung dreams ko lalong-lalo na po nandito na po sila.”
Mula sa Blind Auditions, Sing-Offs, at Battle Rounds, hindi binigo ng Vocalmyx ang kanilang coach na si Stell dahil sa kanilang mahusay na performances.
Sa isang interview, sinabi ni Stell na overwhelming ang kaniyang pakiramdam sa Vocalmyx.
“Sobrang tapang ng mga batang 'to…Naniwala sila sa akin, nakinig sila, grabe 'yung tiwala nila at respeto nila sa akin kaya sobrang nakaka-overwhelm talaga wala akong masabi,” ani Stell.
Sa pagsalang ng Vocalmyx sa Semi Finals Round, mapatunayan kaya nila sa kanilang coach na si Stell na silang ang karapat-dapat na magpatuloy sa finals?
Sa round kasi na ito, mas titindi ang desisyong kakaharapin ng superstar coaches kung saan kinakailangang pumili ng coaches mula sa kanilang tig-dalawang grupo ng talent ng isa na ilalaban nila sa Grand Finals.
Tumutok sa mas tumitinding labanan ng talents sa The Voice Generations tuwing Linggo, 7:20 p.m. bago ang KMJS. Maaari ring panoorin ang delayed teleacast 10:45 p.m. sa GTV.
Para sa mga Pinoy abroad, maaari ring mapanood ang The Voice Generations sa GMA Pinoy TV.
Para sa iba pang updates, magtungo sa www.GMANetwork.com.