
Ang trio na P3 na dating suki ng mga amateur singing contest, isa na sa grand finalists ngayon sa The Voice Generations.
Aabante na sa grand finals ang pambato ng Team Bilib ni Coach Billy Crawford na P3. Sila ay sina Karl Tanhueco, Arvie Centeno, at Tan Sultan mula sa Bulacan at Pampanga.
Sa Semi Finals Round ng nasabing singing competition nitong Linggo, November 26, nagtapat-tapat na ang tig-dalawang teams nina Coach Billy Crawford at Coach Stell na Team Bilib at Stellbound.
Dito ay nakalaban ng P3 ang grupo ng choir members mula sa Pagbilao, Quezon na Fources.
Sa kanilang tapatan, inawit ng P3 ang makapanindig-balahibo nilang rendisyon ng “All I Ask” ni Adele, habang kinanta naman ng Fources ang pangmalakasan nilang bersyon ng “Story Of My Life” ng One Direction.
Bigamat pinabilib ng dalawang grupo ang mga manonood sa kanilang performances, nangibabaw para kay Coach Billy ang mga boses ng P3 kung kaya't ito ang pinili niyang maging pambato ng Team Bilib sa grand finals.
Sa isang panayam, ikinuwento ng P3 ang kanilang mga pinagdaanan noon bago sumali sa The Voice Generations.
Bukod sa pagsali sa mga singing contests, si Karl ay dating OFW noong 2015. Ngayon ay mayroon na rin siyang isang anak.
Si Arvie naman ay bihasa na rin pagdating sa pagsali sa mga singing competition. Siya ang bunso sa walong magkakapatid at siya na rin ang nag-aalaga sa kanilang mga magulang. Ang pinakabata naman sa grupo na si Tan ay tumutulong sa kaniyang mga magulang na sidewalk vendors.
Kuwento nina Arvie at Tan, dati na silang nagdu-duet sa mga talent contest, at iniidolo lamang nila noon si Karl. Nagkrus ang mga landas nilang tatlo nang magkaroon ng pagkakataon na magkasama-sama sila sa isang event, at dito na nagsimulang mabuo ang kanilang trio na tinawag nilang P3.
Kung gusto niyong manalo ang P3 bilang first-ever grand winner ng The Voice Generations sa Pilipinas at sa buong Asya, maaari niyo silang iboto gamit ang GMA Network Website at GMA Network App sa December 10.
Para sa buong detalye, magtungo lamang sa GMANetwork.com, o hintayin ang updates sa The Voice Generations, na mapapanood Linggo, 7:20 p.m. bago ang KMJS. Maaari ring panoorin ang delayed teleacast 10:45 p.m. sa GTV.
Para sa mga Pinoy abroad, mapapanood ang The Voice Generations sa GMA Pinoy TV.