
Matagumpay na nakapasok sa grand finals ng The Voice Generations ang girl group na Sorority ng Parokya Ni Chito at ang duo na Music and Me ng Julesquad.
Sa huling gabi ng Semi Finals ng nasabing kompetisyon ngayong Linggo, December 3, kinailangan nang pumili nina Coach Chito Miranda at Coach Julie Anne San Jose sa kanilang natitirang tig-dalawang grupo ng talents kung sino ang dadalhin nila sa grand finals sa December 10.
Sa team ni Coach Chito na Parokya Ni Chito, nagharap ang grupong Sorority at ang duo na Kris N' Cha. Ang Sorority ay ang girl group mula sa Cebu na binubuo nina Jacky Chang, Aki Omega, Kayla Barrientos, Aine Abella, DJ Mae Dente, at Cheska Rojas. Sila ang nakatapat ng duo at mag-ninong na Kris N' Cha na sina Kris Angelica at Charlie Fry.
Sa kanilang performance, inawit ng Kris N' Cha ang kanilang heartfelt rendition ng awiting “Always Remember Us This Way.” Tinapatan naman ito ng astig na version ng Sorority ng kantang “Do Bidoo.”
Bagamat parehong pangmalakasang performances ang pinakita ng Sorority at Kris N' Cha, nanaig para kay Coach Chito ang ipinakitang performance ng Sorority kung kaya't ito ang pinili niyang maging pambato ng Parokya Ni Chito sa grand finals.
Sa Team Julesquad naman ni Coach Julie, nagtapat ang dalawang duo na Mamaland at Music and Me. Ang Mamaland ay ang dalawang supermoms na sina Niña Espinosa-Holmes at Fritzie Magpoc. Habang ang Music and Me naman ay ang dalawang event singers na sina Fedrianne Quilantang Villanueva at J-Ann Talisic mula sa Bohol.
Sa kanilang paghaharap, inawit ng Mamaland ang sariling version nila ng kantang “Diamonds.” Hindi naman nagpasindak dito ang Music and Me nang kantahin naman nila ang awiting “Defying Gravity.”
Ayon kay Coach Julie, “close fight” ang kinalabasan ng performances ng kanyang dalawang duo pero isa lamang ang kailangang dalhin sa finals. Matapos ang nakakadurog sa pusong desisyon, pinili ni Coach Julie ang Music and Me na aabante na sa grand finals.
Makakasama ng Sorority at Music and Me ang dalawa pang grand finalists mula sa Team Bilib at Stellbound na P3 at Vocalmyx. Magtatapat-tapat sila sa grand finals ng The Voice Generations sa December 10.
Tumutok sa mas tumitinding labanan ng talents sa The Voice Generations, Linggo, 7:20 p.m. bago ang KMJS. Maaari ring panoorin ang delayed teleacast 10:45 p.m. sa GTV.
Para sa mga Pinoy abroad, maaari ring mapanood ang The Voice Generations sa GMA Pinoy TV.
Para sa iba pang updates, magtungo sa www.GMANetwork.com.