
Dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), pansamantalang hindi mapapanood sa telebisyon ang The World Between Us pagkatapos ng season finale nito sa August 27.
Sa ilalim ng ECQ, hindi pinayagan ang produksyon na magkaroon ng taping bilang pag-iingat na rin sa mas nakakahawang Delta at Lambda variants.
Simula August 30, ang Legal Wives na agad ang mapapanood pagkatapos ng 24 Oras.
Umiikot ang kuwento ng Legal Wives sa pamilya ni Ismael (Dennis Trillo), na mayroong tatlong asawa na sina Amirah (Alice Dixson), Diane (Andrea Torres) at Farrah (Bianca Umali).
Pinakasalan ni Ismael ang tatlong babae dahil sa iba't ibang mabibigat na dahilan.
Pagkatapos ng Legal Wives, mapapanood ang rerun ng Philippine adaptation ng hit South Korean series na Endless Love na pinagbidahan nina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Dahil magkakaroon ng season break ang The World Between Us, mas lalong mapaghahandaan ng produksyon ang pagbabalik lock-in taping ng serye kapag pinayagan na muli ito.
Patuloy na tumutok sa The World Between Us, Lunes hanggang Biyernes, sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.