
Diretsong sinagot nina Jessica Villarubin at Renz Verano ang kanilang natatanggap na negative comments sa social media sa pagiging inampalan o judge ng Tanghalan ng Kampeon.
Sina Jessica at Renz ay napapanood araw-araw sa TiktoClock para kumilatis ng mga pangkampeon na boses at performance sa Tanghalan ng Kampeon.
Ayon sa isang netizen, "Di nga marunong si Jessica, 'di maganda mag-comment." Ayon naman sa isang sumusubaybay sa Tanghalan ng Kampeon, "Hindi karapatdapat si Jessica, nasa gilid 'yan kasi hindi sikat."
"Nasa gilid po ako kasi nandito po 'yung angle ko," ang unang matapang na isinagot ni Jessica.
Sinundan naman ito ni Jessica ng kaniyang reaksyon tungkol sa pagiging hindi raw karapatdapat na maging judge o inampalan sa Tanghalan ng Kampeon. Ani Jessica, "Sa mga nagsasabi po na hindi po ako karapatdapat na mag-judge, hindi po ako pumunta sa TiktoClock at sinabi sa kanila na ako na lang po ang mag-judge. Pinili po ako ng mga boss namin sa taas po. Doon pa lang po, 'yung tiwala na ibinigay nila sa akin, napaka-thankful ko po na ako ang napili."
Ayon pa kay Jessica, willing pa siyang matuto sa kaniyang role bilang judge ng Tanghalan ng Kampeon.
"There's always room for improvement naman and willing akong ma-learn at ginagawa ko naman 'yung best ko. Ito na lang po 'yung last na sasabihin ko, mahal ko po kayo. I-bash niyo na lang po ako nang i-bash okay lang po."
Dalawang negative comments din ang binasa kay Renz sa Tanghalan ng Kampeon. Saad ng isang netizen, "Si Renz lang ang kilala ko, matanda pa. Dapat 'yung mga champion sa kantahan ang kunin n'yong judge." Sinundan pa ito ng "Diyos ko day! Renz Verano? Hindi nga marunong mag-appreciate ng talent 'yan!"
Dahil sa mga komentong ito ay binalikan ni Renz ang kaniyang achievements bilang isa sa mga sikat na mang-aawit ng bansa.
Ani Renz, "Noong 1982 po, 'yung iba hindi pa ipinapanganak, ako ho ay sumali sa unang, the first minus one singing contest sa Pilipinas. Ito po ay interschool. I was a student po ng UP Diliman, ni-represent ko po ang UP sa buong Pilipinas. Dahil po ako ay pinalad, ako po ang first grand champion ng first students pop festival."
Dinugtungan pa ito ni Renz ng kaniyang naging achievements bilang OPM hitmaker. "Kung puwede po ay ililista ko po ang iba ko pang credentials. Ako po ay sumali sa banda ng ilang taon. Tapos, ako ay naging vocal coach ng ilang taon din po. 'Yung albums ko po, 'yung first album ko platinum, 'yung second album ko po na nandoon po 'yung Remember Me, 5x platinum. Yung 3rd, 4th, at greatest hits nasa platinum."
Isa pa sa ibinida ni Renz ay ang kaniyang achievement sa Awit Awards. Ani Renz, "Noong 1995 nabigyan po ng Awit Awards best new male recording artist."
Patuloy na subaybayan sina Renz at Jessica sa kanilang role bilang judge o inampalan ng Tanghalan ng Kampeon sa TiktoClock, Lunes hanggang Biyernes, 11:15 a.m. sa GMA Network.
Mapapanood din ang TiktoClock sa YouTube via Kapuso Stream at sa TiktoClock Facebook page.