
Mapapanood na ang veteran star na si Snooky Serna sa GMA Afternoon Prime series na Underage, na pinagbibidahan nina Sparkle stars Lexi Gonzales, Elijah Alejo, Hailey Mendes.
Bago pa man ito, naging bahagi na rin ang award-winning actress sa sikat na 1980's film na Underage na idinirehe ni Joey Gosiengfiao. Nakasama rito ni Snooky ang kapwa niyang veteran artists na sina Maricel Soriano at Dina Bonnevie.
Sa modern take ng naturang coming of age series, binibigyang buhay ni Snooky ang role bilang Velda Gatchalian, ang asawa ni Dominic (Christian Vasquez) na galing sa maimpluwensyang pamilya.
Ayon sa aktres, halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman nang malaman na kabilang siya sa cast ng Underage. Bukod dito, kakaibang role ang kanyang ginagampanan sa serye kumpara sa pinagbidahang niyang pelikula noon.
Kuwento niya sa naganap na online media conference ng show, “Ang feeling ko diyan, initially, noong ako'y na-offer ng role as Velda for Underage, nagkaroon ako ng takot. Actually, parang kaba kasi sabi ko, 'Nako. Will I be able to live up to the role ng pagkakontrabida ni Tita Bella Flores noong araw?' 'Yung talagang mabibigyan ko ba ng hustisya 'yung role ni Velda.
“But at the same time, it was a mixed emotion, e. Masaya rin ako, sentimental ako kasi s'yempre 'yun 'yung kauna-unahan kong pelikula noong aking kabataan, and I have very good memories about the film, and now they translated it into television. And s'yempre, it was a big honor also for me na ako ang pinili ng mga bosses namin sa GMA-7 na makakasama sa project na ito, na kinabilangan ko noong aking kabataan. I'm just very very thankful.”
Kuwento rin ni Snooky, masaya ang kanyang naging taping experience kung saan nakasama niya ang mga batang cast, maging ang kapwa seasoned stars tulad nina Sunshine Cruz, Jean Saburit, Yayo Aguila, Christian Vasquez, at Jome Silayan.
Aniya, “Talagang masaya 'yung Underage family. First time nga ako nakapag-TikTok na kasama 'yung aking mga kasamahan sa trabaho. At ease ako sa set, napakabait ng lahat ng aking mga kasamahan, and they made me feel like I belong. Talaga naman ako'y napa-TikTok at nag-enjoy talaga sa Underage taping namin. I thank God for the blessing of being a part of Underage, the television version.”
Subaybayan ang Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:15 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Mapapanood din ang programa via livestream sa official Facebook page at YouTube channel ng GMA Network.
Maaari ring i-stream ang full episodes nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.
SILIPIN ANG BEHIND THE SCENES NG UNDERAGE PICTORIAL SA GALLERY NA ITO.