
Masaya si Alfred Vargas sa success ng pilot episode ng Unica Hija, ang pinaka-bagong afternoon series ng GMA Network.
Sa naturang palabas gumaganap si Alfred bilang si Christian Sebastian, isang henyo na scientist na may passion and fascination for genetic engineering.
Ang sobra-sobra niyang pagmamahal para sa kanyang propesyon ang magbibigay lakas-loob sa kanya na subukan ang human cloning. Ito rin ang maghahatid ng problema at solusyon sa trahedyang sasapitin ng kanyang anak na si Bianca, ang karakter ni Kate Valdez, ang bida ng naturang serye.
Maaaring maituring ang success ng pilot episode ng Unica Hija bilang isang magandang indikasyon na pagdating sa paggawa ng serye, hindi nagpapahuli ang likhang Pinoy.
Sang-ayon si Alfred dito, lalo na't napapanahon ang usapin tungkol sa kalidad ng shows at movies na pino-produce sa Pilipinas. Kamakailan lang naging hot topic ang suhestiyon ng ilang mambabatas na i-ban ang Korean dramas dahil malaking "threat" daw ito sa mga locally-made shows.
Ayon sa Quezon City Councilor, kailangan lang natin ng mas epektibong policies na magbibigay ng karagdagang suporta sa local artists, producers, and directors.
"Never maiiwanan ang Pinoy pagdating sa talent, creativity at puso. We just need more effective policies to support the industry," maikling sagot ni Alfred sa kanyang mensahe para sa GMANetwork.com.
Isang patunay nga nito ang Unica Hija na may temang kakaiba, at umano'y mapangahas sa mata ng nakararami. Sa totoong buhay, ang human cloning hanggang sa ngayon ay nananatiling kontrobersyal dahil hindi raw ito naaayon sa turo ng ilang relihiyon. Kalakip rin nito ang ilang argumento na ang paglikha ng identical copy ng isang existing o previously existing na human being ay delikado at nagbubunga raw ng ilang physical, social, moral, and legal dangers.
Bagamat kakaiba at bago sa mata ang konsepto, naniniwala si Alfred na may kakayahan naman ang viewers na paghiwalayin ang katotohanan at bagay na bunga ng haraya o kathang-isip lamang. Confident din siya na mas pagtutuunan ng pansin ng mga manonood ang mga aral na dulot ng serye.
"Yes [ready naman ang Pinoy viewers.] Kasi at the end of the day, tungkol pa rin ito sa humanity. Tungkol ito sa love, trust, family, and forgiveness."
Pero kung maging posible nga ang human cloning in the near future, kung saan hindi lang wangis at buong pagkatao ang makokopya kundi pati na rin memories at consciousness ng isang tao, maku-curious kaya si Alfred na maging test subject para rito?
Isang diretsahan at malalim na sagot ang ibinigay sa amin ng aktor:
"I don't want to live forever.
"But I want to live long enough to see my children grow up, get married, have their own children, and be successful in their careers and their life. Above all, I want to see them happy."
May pagkakatulad man siya kay Christian Sebastian, lalong-lalo na pagdating sa dedikasyon sa kanyang propesyon, may ilang bagay pa rin na hindi kayang gawin ni Alfred sa totoong buhay. Isa na rito ang pagsakripisyo ni Christian ng oras para sa kanyang pamilya alang-alang sa kanyang trabaho.
"Everything except God, kaya kong talikuran for my family. Walang saysay ang buhay kung walang pamilya," sambit ng dad of three. "I'll do everything for my family. Family is everything."
Speaking of unique story premises, kung siya naman ay mabibigyan ng pagkakataon ngayon na bumuo ng isang kuwento na hango sa sariling konsepto, pipiliin raw niyang gumawa ng pelikula or serye na may simple pero makabuluhang mensahe.
"A simple story about love and family, sa isang maganda at undiscovered island sa Pilipinas."
At sino naman ang nais niyang makasama sa proyektong ito?
"Gusto kong makasama nina Nora Aunor at Sanya Lopez," sagot ni Alfred.
Bukod sa Unica Hija, pinaghahandaan rin ni Alfred ang AraBella, ang comeback drama series ni Camille Prats kasama ang promising Sparkle actresses na sina Althea Ablan at Shayne Sava. Target itong maipalabas sa susunod na taon.
Mayroon din siyang binubuo na movie, pero sa kasalukuyan, wala pang ibang detalye na maibahagi ang aktor tungkol sa proyektong ito.
"Yes, I'm going to do a movie next time. I'm still finalizing everything."
Isa sa mga last movie projects ni Alfred ay Tagpuan, ang 2020 award-winning romance indie film na idinirehe ni McArthur Alejandre. Bukod sa pagiging bida at executive producer niya rito (under Alternative Vision Cinemas), nakasama niya sa proyektong ito sina Iza Calzado at Shaina Magdayao.
Ang Tagpuan ay siya ring movie na nakapagtala ng 13 na nominasyon sa 37th PMPC Star Awards for Movies, kabilang na ang Movie Actor of the Year nomination para kay Alfred.
SILIPIN ANG HAPPY FAMILY LIFE NI ALFRED VARGAS SA GALLERY NA ITO: