
Nagsama-sama ang stellar cast ng pinakabagong action-comedy series ng GMA na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa idinaos na media conference noong Biyernes, May 26, sa Quezon City.
Sa espesyal na okasyong ito, hindi napigilan na maging emosyonal ng Sparkle star na si Angel Leighton habang nakakapanayam ang mga miyembro ng press. Isa sa mga tanong para sa aktres ay ang karanasan nito na makatrabaho ang mga seasoned actor sa serye.
Nagpasalamat muna si Angel sa lahat ng nagtiwala sa kanya sa pagbibigay buhay sa role na gagampanan niya sa serye.
Ayon pa sa aktres, labis ang saya niya nang makatrabaho ang mga batikang aktor sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis gaya nina Bong Revilla Jr., Beauty Gonzalez, at Max Collins at lubos na nagpapasalamat din siya sa mga ito.
“Sobrang saya kasama si Senator Bong sa set, as in puro tawanan lang. Sobrang saya, sobrang gaan, sobrang exciting talaga,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, “Kay Ate Beauty, gusto ko rin magpasalamat kasi sobrang bait niya talaga.
"Kay Ate Max naman, sobrang bait talaga niya, as in. And si Ate Maey, sobrang makulit talaga 'to, sobrang galing umarte.”
Kuwento pa ni Angel, tinutulungan at ginagabayan din siya ng mga batikang stars kung paano i-deliver ang kanyang mga linya.
Naging emosyonal din si Angel dahil nakamit niya ang kanyang dream role na mapabilang sa isang action series.
Aniya, “Sobrang grateful ko. Dream role ko 'to, 'yung action. I'm so thankful kay God kasi binigay niya sa akin 'to and ang mga kasama ko pa sila Senator Bong tapos mga action star before, sila Sir Jeric, and all of the cast. Sobrang thankful lang talaga ako.”
Abangan ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis simula June 4 sa GMA.
SAMANTALA, TIGNAN ANG BEHIND THE SCENES PHOTOS NG WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS PICTORIAL SA GALLERY NA ITO.