
Talagang patuloy na sinusubaybayan ng mga manonood ang maaksyon at nakatutuwang mga tagpo sa action-comedy series ng GMA, ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. Ito ay pinagbibidahan nina Ramon “Bong” Revilla Jr., Beauty Gonzalez, at Max Collins.
Matapos makakuha ng 12.3 percent na ratings sa pilot episode nito, na ipinalabas noong June 4, muling humataw sa ratings ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis nitong Linggo (June 11) dahil nakakuha ito ng 13.4 percent, ayon sa NUTAM People Ratings.
Sa second episode ng serye, hinabol nina Tolome (Bong Revilla Jr.), Style (Niño Muhlach), at Pretty (Angel Leighton) ang tatlong magnanakaw ng dyamante ngunit nakatakas ang lider ng mga ito na si Dodong (Jeric Raval).
Samantala, natuklasan ni Tolome na nabu-bully ang kapatid ng misis niyang si Gloria (Beauty Gonzalez) na si Gary (Kelvin Miranda) at pinayuhan niya ang binata na okay lamang na ipagtanggol ang sarili.
Nakakuha naman ng impormasyon si Tolome tungkol sa mga nawawalang babae kaya nagtungo ang una at ang kanyang team sa pagawaan ng yelo, kung saan nandoon sina Mrs. Dehado at Dodong na nakikipag-negosasyon.
Matagumpay na nailigtas nina Tolome ang mga babae ngunit namatay sa crossfire si Mrs. Dehado at nakatakas muli si Dodong. Isa sa mga babaeng na-rescue ay si Elize (Max Collins).
Samantala, binalik ng batang nagngangalang Noel ang bike ni Kiko (Raphael Landicho) matapos niya itong nakawin. Natuklasan din nina Tolome na nagmula sa mahirap na pamilya si Noel kaya nito nagawang magnakaw.
Sinamahan naman ni Tolome si Noel patungo sa bahay nito nang makita niya na si Dodong at ang grupo nito ang mga nangha-harass sa ama ng bata. Sa huli, matagumpay na nahuli at inaresto ni Tolome si Dodong.
Balikan ang nakaraang episode ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa video sa ibaba.
Patuloy na subaybayan ang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis tuwing Linggo, 7:50 p.m., sa GMA.
SAMANTALA, SILIPIN ANG BEHIND THE SCENES PICTORIAL NG WALANG MATIGAS NA PULIS SA MATINIK NA MISIS SA GALLERY NA ITO.