
Isa si Lito Pimentel sa mga aktor na dapat abangan sa upcoming murder mystery drama series na Widows' War.
Mapapanood si Lito sa serye bilang si Amando, ang mayordomo ng Palacios family.
Sa media conference ng Widows' War na naganap nito lamang June 21, inamin ng seasoned actor na na-challenge siya sa kanyang karakter sa serye.
Sabi niya, “May mga nagawa na akong ganitong type of story pero hindi sa soap. This is my first time na soap na murder mystery.”
Ayon pa sa aktor, “One thing challenged me in this serye, I have to tell the story but not my words. Every taping, I create my nuances to tell them who Amando is…”
Kasunod ng kanyang naging pahayag, ipinaabot ng batikang aktor ang pasasalamat niya sa kanyang mga kasama sa pagbuo ng serye.
Pahayag niya, “Nagpapasalamat ako sa creative team sa challenge na ibinigay sa akin. Sanay ako sa mga soap na maraming sinasabi, nagagalit but this time ang challenge for me as an actor is papaano mo ikukwento si Amando by nuances. I'd like to thank Direk [Zig Dulay]...”
Ang Widows' War ay pagbibidahan ng bigating Kapuso actresses na sina Bea Alonzo at Carla Abellana.
Kabilang din sa star-studded sina Tonton Gutierrez, Jackie Lou Blanco, Timmy Cruz, Lovely Rivero, Jean Garcia, at marami pang iba.
Related gallery: Meet the cast of murder mystery drama series 'Widows' War'
Ang serye ay mula sa direksyon ng award-winning Filipino director na si Direk Zig Dulay.
Sa darating na July 1, mapapanood na ang Widows' War sa GMA Prime.