
One excited mom si Jackie Lou Blanco para sa career ng kanyang anak na si Rikki Mae Davao.
Kamakailan lang, pumasok na rin sa mundo ng show business si Rikki at kasama niya ang kanyang mommy na si Jackie Lou sa kanyang unang acting project.
Kasalukuyang napapanood ang mag-ina sa hit murder mystery drama na Widows' War bilang sina Ruth at Rico.
Si Ruth ay ang ina ni George (Carla Abellana), habang si Rico naman ay isa sa mga tauhan ng pamilya Palacios.
Sa script reading para sa natitirang taping days ng serye, nakapanayam ng GMANetwork.com si Jackie Lou at dito ay ibinahagi niya na pagkatapos ng kinabibilangan nilang serye ay gusto niya ulit makatrabaho si Rikki.
Ayon sa seasoned actress, “Gusto ko siya (Rikki) ulit makasama. Hopefully 'yung talagang anak ko siya [sa show].”
Bukod dito, ibinunyag din niya na may pagka-komedyante si Rikki kaya gusto niyang makasama ang anak sa isang comedy or light drama show.
“[For next] pwede sigurong something light naman for a change. Rikki is a very good komedyante… It's nice to see her in something lighter or romance comedy or something like that.”
Si Rikki ay isa sa tatlong anak ni Jackie Lou sa aktor na si Ricky Davao.
Samantala, huwag palampasin ang mga eksena sa nalalapit na pagtatapos ng Widows' War.
Mapapanood ang pinag-uusapang murder mystery drama tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime at Kapuso Stream.