MMFF Parade of Stars, nagmistulang AlDub Nation holiday dahil sa kanilang suporta sa 'My Bebe Love' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Mula Mall of Asia arena hanggang EDSA extension, at Roxas boulevard hanggang umabot sa Quirino grand stand ay present ang AlDub fans.

MMFF Parade of Stars, nagmistulang AlDub Nation holiday dahil sa kanilang suporta sa 'My Bebe Love'

By CHERRY SUN

Nagmukhang AlDub Nation holiday ang naganap na Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars kahapon (December 23). Ang mga fans kasi nina Alden Richards at Maine Mendoza todo suporta sa paradang sinalihan ng cast ng My Bebe Love.

Mula Mall of Asia arena hanggang EDSA extension, at Roxas boulevard hanggang umabot sa Quirino grand stand ay present ang AlDub fans, hawak ang kani-kanilang mga banners at isinisigaw ang pangalan ng phenomenal love team at ang pagbibidahan nilang MMFF entry. Sa kilig tuloy ay napa-reporter mode si Maine.

LOOK: My Bebe Love, dinala ang kilig sa 2015 MMFF Parade of Stars

Pabirong ulat niya sa 24 Oras,“Sa mga panahon pong ito, ang dami pong tao ngayon. First time ko po. Nakakatuwa, nakakatuwa sa pakiramdam na makita ‘yung mga tao. Mr. Alden Richards, ano pong masasabi mo? Ang daming tao, grabe.”

READ: ‘My Bebe Love,’ dinumog ng fans sa MMFF Parade of Stars

Present din sa float sina Bossing Vic Sotto at Philippine Queen of Comedy Aiai delas Alas. Kasama rin nila sina Jose Manalo at Sancho delas Alas.

Labis na natutuwa at nagpapasalamat ang mga bida ng My Bebe Love. Anila, kitakits daw sa first day ng screening sa araw ng Pasko.

“Higit pa roon, ang ganda ng pagtanggap nila sa pelikula eh, sa My Bebe Love. Kumpleto ‘yung sigawan pag kinikilig sila, sigawan din pag nagkakatawanan. Riot eh. Tuwang tuwa kami nila Aiai, nila AlDub,” sambit ni Vic.

“Modesty aside, ayaw ko naman din pong magyabang pero ‘yun pong pelikula namin ay talaga naman pong napakaganda. Bukod sa nakakaiyak siya na lalabas kayo, iyak sa kilig at saya,” patuloy naman ni Aiai.

Personal na nagbigay rin ng paanyaya si Alden kasama si Maine. Wika ng Pambansang Bae, “I’m inviting everyone to watch My Bebe Love po, December 25 na. Isang araw na lang.”

Maliban sa My Bebe Love ay lumahok din ang iba pang MMFF entries sa Parade of Stars tulad ng Honor thy Father, Haunted Mansion, Buy Now, Die Later, All You Need is Pag-ibig, Beauty and the Bestie, Nilalang, at Walang Forever.

LOOK: Kapuso stars at the 2015 MMFF Parade of Stars 

Video courtesy of GMA News