Upcoming artists na bahagi ng ‘To The Top,’ ipinakilala na

July 26, 2015

By CHERRY SUN 

Noong July 1 ay ipinakilala na ang 18 artists na lalahok sa kauna-unahang multi-platform boy band competition sa Pilipinas, ang To The Top.
 
Nagsimula ang press conference sa rendition nila ng ‘Verge’ ng Owl City, habang pinapanood sila hindi lamang ng mga miyembro ng press, bloggers at kanilang pamilya kung hindi pati na rin ng mga dekalibreng personalidad sa larangan ng pag-awit at pagsayaw.
 
Kabilang dito ang kanilang vocal coaches, ang members ng The CompanY na sina Moy Ortiz, Sweet Plantado at OJ Mariano. Ang tatlong miyembro ng primyadong vocal ensemble sa bansa ang nagsilbi ring judges ng mga trainees sa online platform ng programa na matatagpuan sa http://www.gmanetwork.com/gma/tothetop.
 
 
Ime-mentor din sila sa pagsayaw ng two-time World Hiphop Champions na sina Prince at Madelle Paltu-ob, at ng International Breakdancing Champion na si Jesse “Reflex” Gotangco.
 
Linggo-linggo, lahat sila ay haharap sa mga hurado na pinangungunahan ng Philippine music icon na si Meastro Ryan Cayabyab.
 
Ihinalintulad niya ang 18 artists ng To The Top sa metal o bato na kailangang hubugin bago maging obra maestra. Aniya, “Lahat kayo parang isang piece ng metal o isang piece ng bato na momoldehin kaya pupukpukin kayo hanggang sa magkaroon kayo ng magandang shape.”
 
 
Pasado kaya sa kanya ang kauna-unahang live and public performance ng 18 boy band aspirants?
 
“Pasadong pasado. Tuwang tuwa ako, I was like ‘Okay ah, they worked hard’,” pahayag ni Mr. C sa panayam ng 24 Oras.
 
Para sa on-air component ng programa ay hinati na sa tatlong grupo ang 18 artists. Kada linggo ay magpapasiklab sila sa pagsayaw at pagkanta, habang huhusgahan sila nina Mr. C at ibang celebrity judges.
 
Mapapanood ang To The Top sa GMA tuwing Sabado at Linggo simula ngayong July 25.

SEE ALL STORIES >