Mommies na nagsilang sa panahon ng COVID-19, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga mommies na nagsilang sa pampublikong ospital ngayong panahon ng COVID-19.  

Mommies na nagsilang sa panahon ng COVID-19, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), may 50 sanggol na wala pang isang taong gulang ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.

Kaya naman para patuloy silang maproteksiyunan, nagbigay ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa apat na pampublikong ospital, partikular sa mga inang bagong silang.

Para sa mga mga confirmed at suspected COVID-19 mommies at kanilang mga baby, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng baby bath products, baby diapers, shampoo, beauty soap at dental hygiene kits.

Biscuits at sabon naman ang handog para sa mga inang swerteng hindi dinapuan ng sakit.

Sa kabuuan, higit 300 mommies ang natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa Quezon City General Hospital, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Philippine Children's Medical Center at National Children's Hospital.

Katuwang pa rin sa pagbibigay ng tulong ang Joint Task Force-NCR ng AFP.

Lubos pa rin ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa Philusa Corporation, Valmer, Malkist, Superstar at Colgate-Palmolive Philippines, Inc.


Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa enhanced community quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.

Maari din bumili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shoppee at Zalora, mag-convert ng Metrobank credit card rewards points, o gumamit ng PayMaya para mag-donate sa GMA Kapuso Foundation.