GMA Kapuso Foundation, tinulungan ang OFW na naudlot ang pag-alis | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Dahil hindi natuloy ang pag-alis ng isang OFW, sinubukan niyang humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, tinulungan ang OFW na naudlot ang pag-alis

By MARAH RUIZ

Papunta na sana sa Saudi Arabia para magtrabaho bilang isang domestic helper si Rosemarie Caigas.

Pero naudlot ang kanyang pag-alis dahil sa COVID-19.

Hindi pa naman makabalik sa trabaho ang kanyang asawang laborer sa isang construction company dahil ayon dito, ang mga regular na empleyado pa lang ang pinabalik ng kanilang kumpanya sa trabaho.

"Paminsan, wala nang gatas pang baby. Minsan wala kaming makain. Sobrang mahirap pero kahit papano, nakakaraos din," pahayag ni Rosemarie.

Kaya naman sinubukan niyang sumulat sa GMA Kapuso Foundation para humiling ng tulong.

"Nagbakasakali lang po na kung pwede niyo kaming matulungan kahit pang ano lang ng baby ko," aniya.

Tinugunan naman ito ng GMA Kapuso Foundation at hinatiran si Rosemarie ng GCQ family pack na may lamang bigas, de lata, kape, hotdog, tubog, juice, mga sabon at diapers.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation ang Kimberly-Clark Philippines sa operasyon.

Sa mga nais pang mag-abot ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.