GMA Kapuso Foundation helps Bulacan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sampung district hospitals sa Bulacan ang inabutan ng GMA Kapuso Foundation ng protective supplies.

GMA Kapuso Foundation helps Bulacan

By MARAH RUIZ

Ayon sa tala ng Department of Health (DOH), isa sa 10 taong nagkakaroon ng COVID-19 ay health worker.

Sa katunayan, umabot na ng 3,000 medical frontliners tinamaan ng COVID-19.

Isa na dito si Dr. Cynthia Basco, isang resident internist sa Baliuag District Hospital.

Sa tatlong dekada niya ng pagiging doktor, hindi raw niya malilimutan ang pakikipaglaban niya sa sakit.

"'Yung hindi ko makakalimutan 'yung nagpaalam ako doon sa patient ko. Sabi ko kasi meron na rin akong sintomas tapos umiyak siya. Sabi niya kasalanan daw ba niya. Sabi ko hindi, walang may kasalanan dito. Sana sabay tayong gumaling," pahaya ni Dr. Basco.

Matapos ang dalawang buwan ng quarantine, balik-trabaho na si Dr. Basco.

Para maprotektahan pa ang medical frontliners na katulad niya, patuloy na nag-iikot ang GMA Kapuso Foundation sa 10 district hospitals sa Bulacan para mag-abot ng protective supplies.

Nahatiran ng tulong ang Baliuag District Hospital, Gregoria del Pilar District Hospital, Calumpit District Hospital, Ospital ng Guiguinto, Mayor Emilio G. Perez District Hospital, Plaridel Infirmary (Bulacan Medical Center Annex), Marilao Special Care Facility, Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte, San Miguel District Hospital, at Roganciano M. Mercado Memorial Hospital.

3,000 pares ng gloves, 2,000 piraso ng personal protective equipment (PPE), 2,000 piraso ng 500 ml alcohol, 2,000 piraso face shield, 7,200 piraso ng sabon, 1,000 packs ng Nissin Wafer ang naipamahagi.

Katuwang pa rin ng GMA Kapuso Foundation ang 7th Infantry Division at 48th Infantry Battalion ng Philippine Army.

 

 



Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa lockdown na hatid ng quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.

Maari din bumili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shoppee at Zalora, mag-convert ng Metrobank credit card rewards points, o gumamit ng PayMaya para mag-donate sa GMA Kapuso Foundation.