Dalawang batang nangangalakal, hinandugan ng school supplies ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tinugunan ng GMA Kapuso Foundation ang sulat ng isang nanay para sa kanyang dalawang batang anak na nangangalakal.

Dalawang batang nangangalakal, hinandugan ng school supplies ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Nangangalakal ng basura ang walong taong gulang na si Bea Arizala at kapatid niyang limang taong gulang na si Hero para makatulong sa kanilang mga magulang.

Araw araw tumatawid sa isang bakod na gawa sa barbed wire para mamulot ng basura sa isang subdivision na malapit sa kanilang tinitirahan.

 

Bea at Hero

 


"Matulungin po talagang bata iyang si Bea. Noong panahon po ng lockdown, walang wala po talaga kaming makain," kuwento ng kanyang inang si Marlyn.

Nagtitinda ng gulay si Marlyn pero wala nang puhunan dahil sa lockdown na dulot ng COVID-19. Hindi naman sapat ang kinikita ng kanyang asawa na rumerelyebo bilang isang guwardiya.

Dahil sa nalalapit na pasukan, problema din ng pamilya ang school supplies para sa mga bata.

"Talagang walang wala po akong maibigay sa kanila. 'Yung kinikita ko po kasi tama lang na pambili namin ng pagkain, pambili ng gatas ng aking anak," dagdag pa ni Marlyn.

Dahil dito, sumulat siya sa Facebook page ng GMA Kapuso Foundation para idulog ang kanyang dalawang anak.

Dinayo ng GMA Kapuso Foundation ang kanilang tahanan sa Quezon at naghatid ng school supplies, grocery packs, inuming tubig at diapers para sa sanggol nilang kapatid.

"Maraming salamat po. Masayang masaya po ako kasi po marami na akong gamit," pahayag ni Bea.

Para sa mga nais pang maghatid ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.