GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng protective supplies sa mga pampublikong ospital sa Leyte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Walong district at provincial hospitals sa Leyte ang hinandugan ng protective supplies ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng protective supplies sa mga pampublikong ospital sa Leyte

By MARAH RUIZ

Sa patuloy ang laban ng mga medical frontliner sa COVID-19, umikot ang GMA Kapuso Foundation sa Leyte para maghatid ng mga protective supplies sa walong district at provincial hospitals dito.

Nakilala ng Foundation si Jessie, isang cook para sa mga medical workers ng Ormoc City Ligtas Center.

Hirap mang maglakad dahil tinamaan siya ng polio noong siya ay sanggol, patuloy siya sa pagbibigay ng serbisyo.

"Kahit mayroong kapansanan tayo, hindi naman hadlang sa atin na tumulong. Kung kaya nating gawin, magagawa natin," pahayag niya.

Samantala, ilang medical workers sa Leyte Provincial Hospital ang isa't kalahating buwan na pansamantalang gumamit ng kapote bilang personal protective equipment (PPE) dahil sa kakulangan ng supplies nito.

Kaya naman laking pasasalamat nila nang dumating ang mga donasyong tulad ng medical PPE.

Para matulungan sila, hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng protective supplies ang Western Leyte Provincial Hospital, Tacloban City Hospital, Ormoc District Hospital, Ormoc City Unified Hospital, Ormoc City Ligtas Center, Salvacion Oppus-Yñiguez Memorial Provincial Hospital, Leyte Provincial Hospital, at Anahawan District Hospital.

Sa kabuuan, 24,000 pares ng gloves, 1,600 sets ng personal protective equipment, 1,600 piraso ng face shield, 1,600 bote ng 500 ml alcohol, 5,760 piraso ng sabon, 2,800 piraso ng KN95 masks, 2,520 bote ng Poten-Cee Gummies ang naipamahagi.

Katuwang pa rin ang Northern Luzon Command ng AFP, Tactical Operations Wing Northern Luzon ng Philippine Air Force, 8th Infantry Division, 802nd Infantry Brigade, 93rd Infantry Battalion, 8th CMO Battalion, 8RCDG Reservist ng Philippine Army sa pamamahagi.

Para sa mga nais pang maghatid ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.