GMA Kapuso Foundation, nakapagbigay ng 46 wheelchairs noong July | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nakapaghandog ng 46 wheelchairs ang GMA Kapuso Foundation sa ilang persons with disability mula sa iba't ibang bahagi ng bansa nitong July.

GMA Kapuso Foundation, nakapagbigay ng 46 wheelchairs noong July

By MARAH RUIZ

Noong nakaraang buwan ng July, 46 wheelchairs ang naipamahagi ng GMA Kapuso Foundation sa ilang persons with disability (PWD) mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Isa na rito si Henry Sobrepeña, na taga-Bulacan. Ipinanganak siyang may polio pero tuloy sa paghahanapbuhay kahit may kapansanan at kahit may banta ng COVID-19.


PLEASE INSERT INSIDE IMAGE HERE / ALT TEXT: Henry, isa sa nabigyan ng wheelchair

 

Trenta minutos niyang ginagapang ang malubak na daan, ilang hagdan at eskinita para makarating sa kanyang wheelchair.

Malayo kasi ang kanyang tahanan mula sa kalsada kaya ipinapatago niya ang kanyang wheelchair sa isang kapitbahay.

"Hinihingal po ako kasi 'yung paggapang ko parang napipigil 'yung hininga," pahayag niya.

Nagtatrabaho si Henry bilang tagahugas ng pinggan sa palengke. Bukod dito, nagre-repair din siya ng sapatos.

Kumikita siya ng P2,000 kada buwan pero ngayong may pandemya, nangalahati ang kita niya. Nasira pa ang gulong ng kanyang wheelchair.

"Araw araw ko po ginagamit. Minsan po nababasa. Tinatalian ko na lang po," kuwento ni Henry.

Para makatulong kay Henry, hinandugan siya ng GMA Kapuso Foundation ng bagong wheelchair, pati na Kapuso grocery packs.

Bukod sa kanya, walong PWD mula sa Anggat Dam sa Bulacan ang nabigyan ng wheelchair. Nag-abot din ang Foundation ng wheelchairs para sa Philippine Orthopedic Hospital.

Katuwang pa rin sa pamamahagi ang 48th Infrantry Battalion ng Philippine Army.

Sa kabuuan, 46 wheelchairs ang naipamahagi ng GMA Kapuso Foundation noong July.

Para sa mga nais pang maghatid ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.