Lolang nangangalakal, ipina-swab test ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Isang 68-anyos na babaeng patuloy na nangangalakal sa kabila ng banta ng COVID-19 ang ipina-swab test at binigyan ng iba't ibang tulong ng GMA Kapuso Foundation.  

Lolang nangangalakal, ipina-swab test ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Marami ang naantig at na-inspire na magbigay ng tulong nang mapanood ang isang ulat ng GMA flagship news program na 24 Oras tungkol sa isang lola na nakatira na nga sa kalsada, pinagnakawan pa.

Nakuhanan ng CCTV ang 68-taong gulang na si Milagros Bautista na pinagnanakawan ng isang lalaki habang natutulog sa ilalim ng footbridge sa Caloocan.

Ilang beses na rin daw nanakawan ang matanda, na nangangalakal para sa kanyang pag-araw araw na gastusin.

Binalikan ng GMA Kapuso Foundation si Milagros sa Caloocan at naabutan siyang nagtutulak ng sira-sirang kariton n apuno ng gamit sa kanyang pangangalakal.

Kahit hirap maglakad, ayaw pa rin daw niyang umuwi sa mga kamag-anak niya sa Bulacan. Ayaw din niyang tumuloy sa isang shelter para sa mga matatanda.

"Dito lang ako sa bangketa. Ayaw ko pong umuwi sa mga kapatid ko," pahayag niya.

"Sa awa ng Diyos, hindi ako nagkakasakit dahil sabi ko sa Panginoong Diyos, alam mo naman ang trabaho ko. Huwag mo kong pababayaaan," dagdag pa niya.

Katuwang ang Joint Task Force-NCR, hinatiran ng GMA Kapuso Foundation si Milagros ng Kapuso grocery packs, hotdogs at tubig.

Para masigurong ligtas siya mula sa COVID-19, ipina-swab test din siya sa Philippine Red Cross.

 

 

Bukod dito, ipinatingin din ng GMA Kapuso Foundation ang iniindang sakit sa kanyang kanang tuhod.

"'Yung swab test naman po ng COVID, negative naman po si nanay. 'Yung X-ray, nagpapakita ng nagsisimulang arthritis po ng tuhod. Wala naman pong baling nakita sa x-ray," pahayag ni Dr. Louie Gaston, isang orthopedic surgeon.

Dahil dito, hinandugan din ng GMA Kapuso Foundation ng tungkod si Milagros.

Sa mga nais pang mag-abot ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.