Sanggol na may parasitic twin, napa-operahan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Bumiti na ang lagay ng sanggol na may parasitic twin matapos mapa-operahan ng GMA Kapuso Foundation, pero hindi pa tapos ang kanyang laban.

Sanggol na may parasitic twin, napa-operahan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Noong nakaraang taon, nakilala ng GMA Kapuso Foundation si Baby Ned, isang sanggol na ipinanganak na nakalabas ang isang bahagi ng utak at may malaking bukol sa mukha.

Ayon sa mga doktor, isang parasitic twin ang bukol na ito.

"Ang parasitic twin ay kambal na hindi nabuo kaya tinatawag na incomplete or hindi nabuong kambal. Parasitic siya dahil umaasa po siya doon sa kambal niya na kumpleto para sa nutrisyon at para mabuhay po siya," paliwanag ni Dr. Jose Aguilar, Section Chief ng Neurosurgery sa Philippine Children's Medical Center.

Sa tulong ng inyong mga donasyon at mga doktor sa Philippine Children's Medical Center, agad naoperahan si Baby Ned.

Halos isang kilo ang bukol ang natanggal sa kanyang mukha noong May 2019.

 

 



Matapos ang mahigit isang taon, umayos na ang kanyang lagay.

"Sobra niyang masayahing bata. Lagi siyang tumatawa, nakikipaglaro. Nagagawa na niya 'yung mga nagagawa ng isang one-year old na bata," kuwento na kanyang amang si Vincent Estampador, Jr.

Gayunpaman, hindi pa tapos ang laban ni Baby Ned dahil kailangan niyang muling sumailalim sa panibagong operasyon.

Dahil may mga bahagi ng kanyang mukha gaya ng bibig na kailangan operahan para hindi maka apekto sa kanyang pagkain, kailangan niyang sumailalim sa plastic surgery.

"Hindi lang naman ito cosmetic. Pati 'yung pagkain niya apektado din po. Kung mayroon nga pong natira pang bukol doon, kailangan din pong ayusin," paglilinaw ni Dr. Aguilar.

Kaya naman muling kumakatok si Baby Ned sa inyong mga puso para sa mga donasyon sa kanyang operasyon.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kanya, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.