Mahigit 6,000 tao sa Cebu, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mahigit 6,000 residente sa isang barangay sa Carcar City, Cebu.  

Mahigit 6,000 tao sa Cebu, hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Mahigit 6,000 residente ng Brgy. Ocaña, Carcar City, Cebu ang hinandugan ng Kapuso grocery packs ng GMA Kapuso Foundation.

Kabilang dito ang pamilya ni Airene Aliser, na nagtitinda ng chicharon at iba pang Carcar delicacies bago nagkaroon lockdown na dahil sa COVID-19.
 

 

Airene Aliser

 

Naging maparaan si Airene at nagtinda ng panggatong katuwang ang kanyang asawa.

"Mahirap po kasi iba 'yung sitwasyon ngayon. 'Yung kilos mo, limitado. Ngayong quarantine nanganganhoy po kami doon sa bukid para panggatong para ibenta," pahayag niya.

Ibinebenta nila ito ng P5 kada bungkos para pantustos sa lima nilang anak.

"Mas masagana 'yung noon kasi mas may pera noon. Kasi 'yung tatlong daan ko, 'yung isang daan itatabi ko para kinabukasan, para pamasahe at saka pangkain po.'Tapos, 'yung dalawang daan, pambili ko ng bigas at saka ulam para sa mga anak ko," kuwento ni Airene.

Bukod dito, nagtayo din siya ng maliit na tindahan sa kanilang bahay. Tumutungo naman sa dagat tuwing hapon ang kanyang asawa para manghuli ng dagdag pagkain nilang pamilya.

"'Pag marami 'yung kuha, itinda namin sa kapit bahay namin. Pero kung konti lang, pang ulam lang namin," aniya.

Kabilang ang kanilang pamilya sa mga residenteng binigyan ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs sa Cebu.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Lola Remedios All-Natural Supplement Syrup, maging sa lahat ng donors at sponsor na nagtitiwala at sumusuporta sa mga programa nito.

Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para mga medical supplies na ihahandog sa mga COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanap buhay dahil sa lockdown na hatid ng quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.