Nanay na naputulan ng dalawang binti, binigyan ng wheelchair ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Hinatiran ng wheelchair ng GMA Kapuso Foundation ang isang single mother na naputulan ng dalawang binti dahil sa kumplikasyon ng diabetes.

Nanay na naputulan ng dalawang binti, binigyan ng wheelchair ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Nine years ago nang malaman ni Clarita Nati na mayroon siyang diabetes noong ipinagbubuntis niya ang kanyang bunsong anak.

Dahil sa ilang kumplikasyon ng sakit, naputulan siya ng dalawang binti at isang daliri sa kamay.

"Nagkasugat lang po ako dahil sa paglalabada. Hindi ko po siya nagamot. Napabayaan ko po siya hanggang sa lumala," pahayag ni Clarita.

Siya ang mag-isang bumubuhay sa kanyang apat na anak. Pero dahil sa kanyang kundisyon, hindi siya makapagtrabaho.

"Ang nagbibigay lang po sa akin 'yung nanay ko. Nagmamasamasahe po siya para may pangkain kami. 'Yun pong ibang kapitbahay ko, 'yung mga kaibigan ko po, tumutulong po sa akin," bahagi niya.

Gayunpaman, pilit pa rin niyang iniisip kung paano maghahanapbuhay.

"Inspirasyon ko pong mabuhay dahil sa mga anak ko. Kahit wala silang ama, nandito ako sa tabi nila. Kahit kulang na 'ko," aniya.

 

 


Hiling ni Clarita ang isang bagong wheelchair, bagay na inilapit sa GMA Kapuso Foundation.

Agad naman itong tinugunan ng Foundation at bilang dagdag na sorpresa, binigyan din ang kanyang pamilya ng Kapuso grocery packs.

Sa mga nais pang mag-abot ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.