Batang nanawagan sa GMA Kapuso Foundation, nakatanggap na ng blood donations | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Maraming tumugon sa panawagan ng isang batang may beta thalassemia matapos siyang manawagan sa GMA Kapuso Foundation para sa blood donation.

Batang nanawagan sa GMA Kapuso Foundation, nakatanggap na ng blood donations

By MARAH RUIZ

Noong nakaraang buwan, nanawagan si Annaliza Obrique sa GMA Kapuso Foundation ng dugo para sa kanyang anak na si Maritoni.

 

Annaliza nanay ni Maritoni

 

May sakit kasing tinatawag na beta thalassemia ang bata. Isa itong sakit sa dugo kung saan habangbuhay kailangan salinan ng dugo ang isang pasyente dahil kulang siya sa hemoglobin na naghahatid ng oxygen sa katawan.  

 

Mahirap maghanap ng AB positive na dugo para kay Maritoni dahil four to six percent lang ng mga Pilipino ang mayroon ganitong blood type, ayon sa Philippine Red Cross.

Lalo pang pinahirap ng pandemya ang paghahanap at pagdo-donate ng dugo.

Napanood naman ng mag-inang Severina at Justine Masilang ang panawagan nina Annaliza at Maritoni.

Panata na ng kanilang pamilya, na lahat ay AB ppsitive and blood type, ang mag-donate ng dugo.

"I donate blood and feel blessed. Magpalakas ka. Sana gumaling ka rin and 'wag kang mawawalan ng pag-asa. Maraming tao na tutulong pa sa 'yo," pahayag ni 17 years old na si Justine.

Bukod sa kanila, nag-donate din ng dugo ang magkapatid na Allan at Andres Barojabo na parehong AB positive din ang blood type.

Tatlong dekada nang blood donor si Allan dahil alam niyang mahirap humanap ng blood type na AB positive.

"Sana 'yung maido-donate ko na dugo ay pangdugtong pa ng buhay. Hindi po ako nag-aalangan dahil malakas po ang pananalig ko kay Ama," pahayag niya.

Stranded naman sa Maynila at hind makauwi sa Mindoro ang kanyang kapatid na si Andres kaya sinamantla na niya ang pagkakataon na makapag-donate ng dugo.

"Nag-donate ako para makatulong din naman ang aking blood sa ibang tao," aniya.

Kamakailan, nasalinan na ulit ng dugo si Maritoni dahil sa malasakit ng donors.

Sa mga nais maging blood donor, pumunta lang sa pinakamalapit Philippine Red Cross Center.

Para naman sa mga nais pang mag-abot ng tulong, bisitahin lang ang official website ng GMA Kapuso Foundation.