GMA Kapuso Foundation, binalikan ang isang paaralan na ipinaayos nito matapos ang Ondoy | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Binalikan ng GMA Kapuso Foundation ang Calangay Elementary School na ipinaayos nito matapos ang Ondoy para mamigay ng school supplies.

GMA Kapuso Foundation, binalikan ang isang paaralan na ipinaayos nito matapos ang Ondoy

By MARAH RUIZ

September 2009 nang manalanta ang bagyong Ondoy sa Pilipinas.

Isa ang Calangay Elementary School sa Laguna sa mga nasira dahil sa hagupit ng bagyo.

Grade 6 pa lang noon si Rose Ann Tampis, dating mag-aaaral sa eskuwelahan.
 

 

Rose Ann Tampis guro at dating mag aaral ng Calangay Elementary School

 

"Bago po magkaroon nitong classroom na 'to ng GMA, nasa isang tent lang po kami na tolda po na sobrang init," pag-alala niya.

Sa tulong ng Kapuso Development Project, nakapagpatayo ang GMA Kapuso Foundation ng 2-storey building sa Calangay Elementary School noong 2010.

Habang ginagawa ito, inilagay ni Rose Ann ang kanyang pangaral na makatapos ng pag-aaral sa isang time capsule.

"Gusto ko po noon maging teacher kasi masaya po kapag magtuturo po ako sa mga bata. Para din po makatulong po ako sa pamilya ko lalo na po sa aking nanay," aniya.  

2019 naman nakapasa bilang isang ganap na guro si Rose Ann.

Binalikan ng GMA Kapuso Foundation ang Calangay Elementary School ngayong panahon ng pandemya para muling magbigay ng tulong.

Hatid ng GMA Kapuso Foundation para sa mga estudyante nito ang bag na may kumpletong school supplies bilang bahagi ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

May kasama rin itong anti-COVID kits na may lamang face masks, sabon at alcohol.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Department of Education Division of Laguna at Philippine Army 2ID (202nd BDE, 1st BN, 22nd Division Reconnaissance Company).

Sa mga nais pang makiisa sa mga programa ng GMA Kapuso Foundation, bumisita lang sa official website nito.