Nanay na umaakyat ng bundok para sa signal, binigyan ng school supplies ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng school supplies ang isang nanay na umaakyat pa ng bundok para lang makakuha ng signal.

Nanay na umaakyat ng bundok para sa signal, binigyan ng school supplies ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Kailangang umakyat ng bundok ni Mirasol Asuncion na taga Baggao, Cagayan para makahagip ng cellphone signal para matanggap ang mga bilin ng guro para sa modular class ng kanyang mga anak.

"Mahirap po ngayon kasi kailangan pa naming umakyat diyan sa bundok para lang mabasa 'yung mga pinapadala ng mga teachers," pahayag niya.

Challenge din para sa kanya ang pagtuturo sa dalawang anak.

"Kasi 'yung mga teacher, alam po nila lahat 'yung mga tinuturo nila sa mga bata. Kami po, parang kulang pa rin po kasi hindi naman namin pinag-aralan 'yung pinag-aaralan," aniya.

Problema din para sa kanya ang school supplies. Gumagamit muna ang kanyang mga anak ng isang pudpod na lapis at likod ng lumang kalendaryo para sa kanilang mga leksiyon.

Para matulungan ang mga katulad ni Mirasol, naghandog ng bag na may kumpletong school supplies ang GMA Kapuso Foundation sa kanilang lugar sa Cagayan.

May kasama din itong anti-COVID kits na may lamang face mask, alcohol at sabon.

 

Donasyon sa GMA Kapuso Foundation


Bahagi ito ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project na layunin ang makapaghatid ng mga school supplies sa 80,000 estudyante sa parating na pasukan.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Department of Education Division of Cagayan Province at Philippine Army 5ID (502nd Brigade, 17th Infantry Battalion).

Sa mga nais pang makiisa sa mga programa ng GMA Kapuso Foundation, bumisita lang sa official website nito.