GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pagkain, gamot at tubig sa mga nasalanta ng bagyong Rolly sa Catanduanes | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Dumayo ang GMA Kapuso Foundation sa Catanduanes para magdala ng pagkain, gamot at tubig sa mga nasalanta ng bagyong Rolly doon.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pagkain, gamot at tubig sa mga nasalanta ng bagyong Rolly sa Catanduanes

By MARAH RUIZ

Pagkain, gamot at tubig ang mga kailangan ng mga nasalanta ng super typhoon Rolly sa Catanduanes.

Ayon sa tala ng ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, 700,000 na mga bata ang lubos na naapektuhan ng bagyong Rolly nang tumama ito sa Pilipinas.

Bilang tugon, nagtayo ang GMA Kapuso Foundation ng mga Kapuso Soup Kitchen sa Catanduanes kung saan unang binigyan ng noodle soup na may itlog at mga gulay ang mga bata.

Bukod dito, nag-abot din ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods, bottled water at tinapay sa 500 indibidwal sa Baras at San Miguel.

Nangangailangan din ng supply ng gamot ang ilang municipal health offices sa Catanduanes.

 

 


"Sa clinic din po, halos nagkakaubusan na din ng gamot. Hindi mo talaga maiiwasan na magkaka lagnat ka kasi nga sa ulan. [Kailangan din ng gaot] sa ubo din, 'yung mga tao po na nasusugat ng pako, ng yero," pahayag ni Arjane Llevarez, nurse II, sa San Miguel Municipal Health Office.

Kaya naman naghatid din ng mga gamot para sa sipon, ubo, hypertension, paracetamol para sa lagnat at antibiotics ang GMA Kapuso Foundation sa municpal health offices ng Bato, Gigmoto, San Miguel at Virac.

Problema din sa Catanduanes ang malinis na supply ng tubig pang inumin.

"We are monitoring for diarrheal diseases kasi usually ang tubig hindi siya masyadong malnis," paliwanag ni Lilian Olfindo, doktor sa San Miguel Municipal Health Office.

Para matugunan ito, nagmigay din ng galon galong tubig ang GMA Kapuso Foundation sa mga residente dito.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa operasyon ang Philippine Army 9ID at 83rd BN, local goverment ng Baras at RiteMed.

Nakatakda na rin bumyahe ngayong November 11 ang GMA Kapuso Foundation team patungong Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Cataduanes para sa ikatlong bugso ng Operation Bayanihan at bilang paghahanda na rin sa bagyong Ulysses.

Samantala, sa mga nais mag-abot ng tulong GMA Kapuso Foundation, bumisita lang sa official website nito.