GMA Kapuso Foundation, naghatid ng regalo sa mahigit 900 mag-aaral sa Camarines Sur | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Mahigit 900 na mag-aaral sa Camarines Sur ang hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng regalo bilang bahagi ng Give-A-Gift project.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng regalo sa mahigit 900 mag-aaral sa Camarines Sur

By MARAH RUIZ

Sa kabila ng pandemya at iba pang unos na dumaan, nais pa rin ng GMA Kapuso Foundation na ipadama ang diwa ng Pasko sa mga bata

Kaya tuloy pa rin ang Give-A-Gift: Alay sa Batang Pinoy project na taunang ginagawa ng GMA Kapuso Foundation.

Nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa Balatan, Camarines Sur kung saan nakilala nila ang habal-habal driver na si Alfe Bongalon.

 

 

Alfe Bongalon


"Simula noong nag-COVID, walang-wala talaga kasi ilang buwan 'yun. Wala na pong hanap-buhay, lalo na po noong nag-bagyo" kuwento ni Alfe.

Dati siyang kumikita ng P200 kada araw pero nabawasan pa ito ngayong madalang ang biyahe. Humahanap naman si Alfe ng ibang pagkakakitaaan.

"Halibawa, walang habal-habal, 'pag may kumukuha ng pagpagapas ng palay, nagpapabayad din po ako. Kung may pumunta sa bundok o may tatrabahuhuin na ganito, nagatatrabaho din po kami," aniya.

May hiling naman siya ngayong Pasko para sa kanyang mga anak.

"Gusto ko rin sana masorpesa ang pamilya ko, 'yung mga anak ko," sambit ni Alfe.

Kabilang si Alfe sa mga natulungan ng pagpapatuloy ng Give-A-Gift: Alay sa Batang Pinoy project ng GMA Kapuso Foundation sa Balatan, Camarines Sur.

Mahigit 900 estudyante mula Kinder hanggang Grade 6 sa dalawang elementary school sa lugar ang hinandugan ng Give-A-Gift packs na may lamang pagkain, hygiene kits at mga laruan.

Katuwang sa pamamahagi ang JTF-NCR, Southern Luzon Command, 9ID, 902 BDE, at 83rd IB.

Dahil hindi pa rin maaaring lumabas ng bahay ang mga bata, sa mga magulang muna iniabot ang mga regalo.

"Laking pasasalamat ko po 'yun kasi kahit papano, ngayong Pasko, may mapagsasalusaluhan na po kami. Salamat po talaga sa lahat ng nag-sponsor sa GMA saka sa GMA Kapuso Foundation," ani Alfe.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.


Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.

Maari din mag-donate sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers sa Shoppee.