Mahigit 1,000 estudyante sa Sorsogon, pinamaskuhan ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng mga pamasko ang GMA Kapuso Foundation sa mahigit 1,000 estudyante sa Sorsogon.

Mahigit 1,000 estudyante sa Sorsogon, pinamaskuhan ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Walang kapaguran ang sponsors at donors sa pagbibigay ng suporta kaya wala rin kapaguran ang GMA Kapuso Foundation sa paghahatid ng tulong lalo na at malapit na ang Pasko.

Sa pagpapatuloy ng taunang Give-A-Gift: Alay sa Batang Pinoy project, tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Matnog, Sorsogon.

Dito nakilala ng Foundation si Noli Garcera, isang amang naapektuhan ng pandemya ang hanap-buhay. Lalo pa siyang nasubok nang bayuhin ng bagyong Rolly ang kanilang lugar.

 

 

Noli Garcera


"Ang hirap po kasi binaha kami. Ang laki po ng baha, abot 'yung bahay namin. Pati 'yung mga gamit namin basa lahat. 'Yung bubong, walang natirang bubong," paggunita ni Noli.

Hindi siya sumuko kaya namasukan bilang utility personnel sa Pawa Elemntary School sa Matnog, Sorsogon.

Pinalalakas naman ng kanyang dalawang anak ang kanyang loob dahil masinop ang mga ito sa pag-aaral. Lagi pang nag-uuwi ng mga parangal tulad ng mga medals, salamat rin sa paggabay ng kanilang inang si Pretty Ann.

Bukod sa pagtulong niya sa pag-aaral ng mga bata, naglalabada din si Pretty Ann para may dagdag panggastos.

Kabilang ang kanilang mga anak sa mahigit 1,000 estudyante mula Kinder hanggang Grade 6 na natulungan ng Give-A-Gift ng GMA Kapuso Foundation sa Matnog, Sorsogon.

Nakatanggap sila ng Give-A-Gift bags na may lamang pagkain, hygiene kits at laruan.

Ang kanilang mga magulang muna ang tumanggap ng mga regalo dahil hindi pa maaaring lumabas ang mga bata.

Katuwang naman sa pamamahagi ang Joint Task Force-NCR, Civil Relations Service, 9th Infantry Division, 903rd Brigade, 2nd Infantry Battalion, Kabalikat Civic Communicators-Matnog Chapter, at Matnog Municipal Police Station.

"Ako po ay nagpapasalamat sa kanila dahil 'yung hindi ko kayang maibigay sa anak ko, naibigay nila," pahayag ni Pretty Ann.

Patuloy na tumatanggap ng mga donasyon ang GMA Kapuso Foundation para sa Give-A-Gift: Alay sa Batang Pinoy at sa iba pang mga proyekto.

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.

Maaari din mag-donate sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers sa Shopee.