GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pagkain at gamot sa mahigit 4,000 residente sa Cagayan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng mga pagkain at gamot ang GMA Kapuso Foundation sa mahigit 4,000 residente sa Cagayan na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng pagkain at gamot sa mahigit 4,000 residente sa Cagayan

By MARAH RUIZ

Sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan para sa mga indibidwal na nasalanta ng mga nagdaang bagyo, nakilala ng GMA Kapuso Foundation ang ilang magsasaka sa Cagayan na naapektuhan nito.

15 years nang magsasaka ang 57 taong gulang na si Gilbert Bautista sa Sto. Niño, Cagayan.

Maayos naman daw ang kita basta hindi masama ang panahon. Pero dahil sa nagdaang bagyo, nabasa at nabalot ng putik ang kanyang ani.

May kaunti naman siyang naisalba pero hindi na maganda ang kalidad ng palay.

"Kung maputi puti 'yung na-ani, pwedeng ibenta. Kaso lang maitim na 'yung balat ng palay, ayaw naman nila bilhin. Lugi, wala talaga," pahayag niya.

Halos ganito rin ang karanasan ng 78 taong gulang na si Pilar Requimin na dati ay nakaka-ani ng mahigit 30 sako.

Bukod dito, inutang lang din iyan ang pansimula niya ng palayan.

"Ngayon wala na. Limang sako lang. Nalalagyan ng putik," aniya.

Ayon sa local na pamahalaan ng Sto. Niño, 70% ng mga palayan sa kanilang bayan ang nalubog sa baha.

Kasama sina Gilbert at Pilar sa mahigit 4,000 residenteng hinatiran ng tulong na pagkain ng GMA Kapuso Foundation sa Cagayan.

Bukod sa pagkain, naghatid din ang GMA Kapuso Foundation ng supply ng gamot sa municipal health offices sa Sto. Niño at Lasam.

 

 

Marami kasi ang nagkakasakit dito tuwing maulan at pahirapan ang transportasyon sa ngayon.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa operasyon ang NOLCOM S7, 5ID, 501st BDE, at 17th IB.

Binaha na naman ang Cagayan dahil sa bagyong Vicky kaya patungo ang GMA Kapuso Foundation sa Tuguegarao para maghati ng karadagang relief goods

Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.


Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.