GMA Kapuso Foundation, nakapagbigay ng tulong sa mga frontliner, mag-aaral, at nasalanta ng sakuna sa 2020 | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Balikan ang naging taon ng GMA Kapuso Foundation na walang sawang tumulong sa mga frontliner, mag-aaral at mga nasalanta ng iba't ibang sakuna sa taong 2020.

GMA Kapuso Foundation, nakapagbigay ng tulong sa mga frontliner, mag-aaral, at nasalanta ng sakuna sa 2020

By MARAH RUIZ

Masalimuot at puno ng pagsubok ang taong 2020 pero ipinamalas pa rin natin ang katatagan ng Pinoy at diwa ng bayanihan.

Ang GMA Kapuso Foundation ang isa sa mga naging katuwang ng mga Pilipino, partikular ng mga frontliner, mag-aaral at mga nasalanta ng iba't ibang sakuna noong taong 2020.

Nasa 51,646 tao ang naabutan ng tulong ng GMA Kapuso Foundation matapos sumabog ang bulkang Taal.

Nasa 82,676 tao namang naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang kabuhayan ang natulungan sa community distributions, habang 169 na mga ospital ang naabutan ng protective supplies.

Kabilang sa mga ipinamahagi ang 548,000 pares ng rubber gloves, 31,700 sets ng PPE o personal protective equipment, 71,309 pieces ng germicidal soap, 46,558 pieces ng surgical masks, 30,736 bote ng 500 ml alcohol, at 29,200 face shields.

Nahatiran naman ng Kapuso family grocery packs ang ilang mga residente sa mga lugar tulad ng Quezon City, Manila, Caloocan, Malabon, Navotas, Valuenzuela, Taguig, Rizal, Tarlac, Bulacan, Nueva Ecija, Laguna, Cavite, Samar, at Cebu.

Nang dumating naman ang sunod-sunod na bagyo, nakapagbigay ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 1,048 taong nasalanta ng bagyong Vicky, 92,612 taong nasalanta ng bagyong Ulysses, at 43,344 naapektuhan ng super typhoon Rolly.

Ilang Kapuso schools din ang naipatayo sa Bicol region ngayong taon.

 

 

Naging katuwang din ng GMA Kapuso Foundation ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines sa iba't ibang proyekto at operasyon.

Kaya naman lubos ang pasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa mga sponsors, partners at donors, maging indibidwal man o kumpanya.

Magpapatuloy ang GMA Kapuso Foundation sa pagbibigay ng buong pusong serbisyong totoo para sa mga Pilipino sa taong 2021.